Pagkakakilanlan ng 2 sa bangkay sa kotse, natukoy na!

Pagkakakilanlan ng 2 sa bangkay sa kotse, natukoy na!

August 23, 2022 @ 2:57 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Isang Special Investigation Task Group o (SITG) ang binuo matapos kilalanin ang dalawa sa apat (4) na biktima ng salvage sa Montalban Rizal.

Sa ulat ni P/Col. Dominic Baccay, Rizal PNP Provincial Director, kay Calabarzon-4A Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinilala ang dalawa sa mga biktima na sina Robert Ryan Amarillo y Shares, 40-anyos, tubong-Vigan sa Ilocos Sur ng No. 164 E. Granja St., Brgy., Otso Lucena City at Carl Pabalan y Alvarado, 51-anyos, tubong-Negros Occidental, residente ng Blk-50 Lot-16, Lumima Homes, Brgy., Isabang Tayabas, kapwa ng Quezon Province, habang hindi pa kilala ang dalawang babaeng bangkay na kasamang natagpuan sa inabandonang Nissan Almera NGU-1923 sa Sitio Licao-Licao, Brgy., Macabud, Montalban Rizal.

Matatandaan na nitong Agosto 22, unang araw ng “Brigada Eskwela”, dakong alas-5 ng umaga natagpuan ang duguang bangkay ng mga biktima sa loob ng kotse sa lugar.

Dahil dito, binuo ng pulisya ang Rizal Special Investigation Task Group (RSITG) sa pangunguna ni Baccay at hepe ng Montalban PNP P/Lt. Col. Marcelino Pipo Jr., para umano maresolba ang kaso at matukoy ang pangalan ng dalawa pang biktimang babae at maaresto ang suspek.

Sa ngayon inaalam pa kung sino ang nagmamay-ari ng naturang sasakyan kung saan natagpuan ang apat na bangkay. Rene Tubongbanua