Pagkakaroon ng halalan para sa transition president: Malakanyang, pinasalamatan ang ConCom

Pagkakaroon ng halalan para sa transition president: Malakanyang, pinasalamatan ang ConCom

July 18, 2018 @ 10:19 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Pinasalamatan ng Malakanyang ang Consultative Committee nang amiyendahan ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magkaroon ng elected transition president.

Malinaw na hindi na mapapalawig pa ang termino ni Pangulong Duterte na magtatapos sa taong 2022.

At sa ganitong paraan ay matitigil na ang espekulasyon ng kanyang mga kritiko na muli siyang tatakbo bilang Pangulo ng bansa sa 2022 sakaling mabago na ang kasalukuyang porma ng gobyerno patungo sa pederalismo.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, na handang-handa na si Pangulong Duterte na bumaba sa puwesto kapag nakamit na ang pederalismo sa 2019.

Malinaw kasi aniya ang naging polisiya ng pangulo na kinakailangan na magkaroon ng transition president sakaling maisulong na ang pederalismo.

Nauna rito, tinalakay sa Senado ang ilang mahahalagang punto ng draft ng federal Constitution.

Matatandaang, sinabi ni Pang. Duterte na nais na niyang bumaba sa puwesto bago pa magtapos ang kanyang termino dahil maliban sa gusto niyang maalis ang pagdududa ng publiko na kapit-tuko siya sa puwesto ay pagod na siya lalo pa’t 73 taong gulang na siya.

“Para mawala ang suspetsa na meron siyang ibang binabalak dito sa Charter Change at pangalawa dahil siya ay pagod na pagod na,” ang pahayag ni Sec. Roque .

Sa paghalal ng transition President maaaring mas batang lider ang pumalit sa kanya. (Kris Jose)