Pagkakasa sa P20 kada kilo ng bigas mahirap – incoming DAR chief

Pagkakasa sa P20 kada kilo ng bigas mahirap – incoming DAR chief

June 9, 2022 @ 4:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Aminado si incoming Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella na mahirap ikasa sa ngayon ang pababain ang presyo ng bigas sa  P20 kada kilo.

Aniya, kailangan ng masusing pag-aaral para rito.

Naniniwala si Estrella na pagbababa sa presyo ng bigas mula sa kasalukuyang presyo nito ay posible subalit ang ibaba ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo ay mahirap sa ngayon  lalo pa’t patuloy ang pagsirit ng fuel price at presyo ng  fertilizer.

“If you do serious pencil pushing, talagang pag-aaralan mo ano, yung P20 [per kilo] eh mukhang sa ngayon, medyo mahihirapan pa tayo,” ayon kay  Estrella.

“Pero kung yung mapalapit lang namin ng kaunti, mataas-taas ng kaunti doon at maabot natin, I want to be realistic ‘no… ‘yun lang malapit doon, tingin ko pwede na,” dagdag na pahayag nito.

At sa tanong kung ano ang mas  ‘achievable price’ ng bigas,  sinabi ni  Estrella na P27 hanggang P28  kada kilo.

“Siguro hanggang mga P27 [per kilo] nga yan, P27, P28, pwedeng-pwede na ‘yan,” aniya pa rin sabay sabing “Pero yung P20, eh talagang pag-aaralan ko ng husto yan, pag-aaralan namin ng husto at talagang magsusunog kami ng kilay para magawa natin ‘yan.”

Aniya, ang tamang paraan para magawang maibaba ang presyo ng bigas ay sa pamamagitan ng masusing pag-aaral  sa buto at lupain na ginagamit ng magsasaka at ang turuan ang mga magsasaka ukol sa pinakabagong teknolohiya sa agrikultura. Kris Jose