Pagkalos sa 3-year fixed term ng ilang military officials, itinutulak sa Kamara

Pagkalos sa 3-year fixed term ng ilang military officials, itinutulak sa Kamara

December 6, 2022 @ 2:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naghain ng panukala si House Speaker Martin Romualdez at iba pang mambabatas na nagsusulong na alisin ang three-year fixed term ng ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nilalayon ng House Bill No. 6482, na co-authored nina Romualdez at Representatives Raul Tupas, Mercedes Alvarez, Divina Grace Yu at Jorge Bustos, na amyendahan ang Republic Act No. 11709 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Abril.

Ikinasa ang RA 11709 upang wakasan ang  “revolving door” policy sa appointment ng AFP chief-of-staff.

Subalit, sinabi ng mga mambabatas na inilahad ng ilang military personnel ang ilang importanteng isyu ukol sa batas.

“After the passage into law of Republic Act No. 11709, a significant number of proposals and recommendations from officers and enlisted personnel were made to amend some provisions in order to make it more responsive to the needs, peculiar situation, organizational culture and human resource development of the Armed Forces of the Philippines,” saad sa panukala.

Target ng panukala na limitahan ang three-year fixed term sa apat na opisyal– AFP chief-of-staff, commanding generals ng Philippine Army at Philippine Air Force, at flag-officer-in-command ng Philippine Navy.

Bagama’t hindi kasama sa three-year tenure, papayagan ang “lateral movement” para sa posts ng vice chief-of-staff, deputy chief-of-staff, unified command commanders, at inspector general.

Ipinag-uutos din sa panukala na walang opisyal, maliban sa chief-of-staff, ang dapat italaga sa key positions o ma-promote sa ranggo ng brigadier general/commodore o mas mataas kung wala nang anim na buwan sa active service na natitira bago magretiro.

Gayundin, itinakda sa panukala ang compulsory retirement age na 57 taon para sa may ranggong brigadier general/commodore, 58 para sa may ranggong major general/rear admiral, at 59 para sa ranggong  lieutenant general/vice admiral.

Inihayag din ng mga mambabatas na papayagan sa panukala ang mas mahabang panahon upang ipatupad ang mga pagbabago sa AFP. RNT/SA