Pagkalos sa asignaturang Mother Tongue ‘di pa pinal – DepEd

Pagkalos sa asignaturang Mother Tongue ‘di pa pinal – DepEd

October 18, 2022 @ 4:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hindi pa pinal ang pagtanggal  ng Mother Tongue bilang asignatura sa Grade 1 hanggang 3  dahil sa nakabinbin pa rin ang pagpapalabas ng  final curriculum para sa Kinder hanggang  Grade 10 (K-10) program.

Ang Mother Tongue ay ang unang salita o wika na natutunan mula sa pagkabata.

Kabilang sa mga ito ay ang 12 pangunahing wika ng bansa gaya ng Tagalog, Kapampangan, Pangasinense, Iloko, Bikol, Hiligaynon, Cebuano, Waray, Tausug, Maguindanao, maramo at Chavacano.

Ang pahayag na ito ni DepEd Spokesperson Michael Poa ay bilang tugon sa sinabi ni  Education Undersecretary Epimaco Densing III na nakatakda nang alisin ng departamento ang  50 minuto na Mother Tongue subject para sa  Grade 1 hanggang 3 para  mapaluwag ang umiiral na curriculum ngayon.

Gayunman, sinabi ni Poa, na nananatiling nasa proseso ang DepEd sa pagkonsulta sa mga stakeholders, academe, at iba pang government agencies ukol sa pagrebisa sa K-10 curriculum.

“‘Yung pagtatanggal sa Mother Tongue [as a subject], wala pa po namang final niyan,”  aniya pa rin.

“Hindi pa po talaga tapos ang ating review. Once magkaron na tayo ng final na curriculum, doon po tayo maglalabas ng anunsyo kung ano ‘yung mangyayari sa mga programa, hindi lang sa Mother Tongue, pero pati na rin sa ating learning competencies,” dagdag na wika nito.

Kamakailan ay sinabi naman ni Densing na dahil mayroon namang English at Filipino subjects ay dapat nang tanggalin ng DepEd ang Mother Tongue.

Hindi na aniya kailangan ang mother tongue dahil araw araw na itong nagagamit sa mga eskuwelahan, sa mga komunidad at maging sa pag-uusap sa loob ng pamilya.

Sa halip, ipinabatid ni Densing na ilalaan na lamang ang 50 minuto sa national reading at Math programs.

Napagpasyahang alisin ang Mother Tongue bilang subject matapos konsultahin ng DepEd ang iba’t ibang sektor at maging stakeholders sa pag-repaso ng curriculum para sa kinder hanggang grade 10. Kris Jose