Pagkamatay ng 24 miyembro ng Teduray tututukan ng Senado

Pagkamatay ng 24 miyembro ng Teduray tututukan ng Senado

November 23, 2022 @ 10:41 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Magkakasa ng imbestigasyon ang Senado sa pagkamatay ng 24 na miyembro ng tribo Teduray sa paanan ng Mt. Minandar sa Maguindanao del Norte dahil sa pagguho ng lupa noong Oktubre 28.

Sa privilege speech Lunes ng gabi, Nobyembre 21 ni Senador Robinhood Padilla, nanawagan siya sa mga kasamahan na suportahan ang kanyang panawagan at pagpapahayag ng pagkagalit sa pagtatayo ng isang resort sa mismong lupain na itinuturing na ancestral domain ng tribo sa Sitio Tabunon, Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsuat.

Dahil sa pagtatayo ng resort sa kanilang lupain ay napilitan ang tribo na lumikas patungo sa lugar kung saan naman sila natabunan sa landslide.

Kamakailan ay inihain ni Padilla ang Senate Resolution 280 na humihiling ng imbestigasyon kaugnay ng landslide na nagresulta sa pagkasawi ng mga miyembro ng Teduray tribe sa kasagsagan ng bagyong Paeng.

“Mahal na Ginoong Pangulo, sawang-sawa na ako sa isyu. Sasandali pa lang po ako sa Senado katakot-takot na reklamo na ng mga katutubong Pilipino ang natatanggap ko,” ani Padilla.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, ang naturang resolusyon ay inilagay na sa Cultural Communities and Muslim Affairs, kung saan si Padilla rin ang umuupong chairman nito.

Siniguro naman nina Senator Risa Hontiveros at Senador Koko Pimentel ang suporta sa resolusyon ni Padilla. RNT/JGC