Pagkamatay ng estudyante sa accidental firing iimbestigahan ng PNP

Pagkamatay ng estudyante sa accidental firing iimbestigahan ng PNP

January 27, 2023 @ 5:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagkamatay ng isang 12-taong gulang na estudyante na aksidenteng nabaril ang sarili dahil sa pinaglaruang service firearm ng ama sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sa ulat, dinala ng biktima sa paaralan ang PNP-issued Baretta 9mm pistol na pagmamay-ari ng ama, na nakuha nito sa cabinet at habang pinaglalaruan ito sa comfort room ay bigla na lamang naiputok at tumama sa ulo nito.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Redrico Maranan, bibigyan muna ng PNP ang pamilya ng bata na makapagluksa bago tuluyang imbestigahan kung bakit naabot ng biktima ang baril na pinagtataguan nito.

Ang ama ng estudyante na may ranggong executive master sergeant ay naka-assign sa PN Headquarters sa Camp Crame, Quezon City ngunit ayon sa mga awtoridad, nasa bahay ito nang mangyari ang insidente.

Nagpaalala naman si Maranan sa kapwa mga pulis na mag-ingat sa pangangalaga ng mga armas.

“Pag ang atin pong service firearms ay hindi natin dala-dala, dapat po ‘yan ay nakalagay sa isang lalagyan na secured, may lock at hindi po maa-access ng sinumang tao na walang karapatan na humawak at gumamit niyan,” pahayag ni Maranan sa isang panayam.

Ipinag-utos naman ng PNP sa lahat ng regional at provincial directors nito na ibigay ang kani-kanilang mga contact details sa mga paaralan para sa mas mabilis na koordinasyon sa emergency situations. RNT/JGC