Pagkamatay ng ‘high profile’ inmates sa NBP, inalmahan ni Hontiveros

Pagkamatay ng ‘high profile’ inmates sa NBP, inalmahan ni Hontiveros

December 14, 2022 @ 6:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Matinding inalmahan ni Senador Risa Hontiveros ang kahina-hinalang pagkamatay ng ilang high profile inmates sa New Bilibid Prison (NBP) matapos kumanta ang isang person deprived of liberty (PDL).

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na hindi lamang nakakaalarma ang pangyayari, kundi tumarak ito sa puso ng criminal justice system matapos matuklasan nitong hindi namatay sa COVID-19 ang ilang high profile inmates kundi literal na pinatay.

“These concerns are not just alarming, but strike at the heart of our criminal justice system. I call on the DOJ to immediately investigate these serious revelations, even if it will eventually mean a total overhaul of our correctional system,” giit ni Hontiveros.

Kamakailan, ibinulgar ng isang PDL sa isang interview, ayon kay Hontiveros, na hindi namatay sa COVID-19 si Eugene Chua, isang drug lord taliwas sa deklarasyon ng NBP sa pamumuno ni dating Bucor chief Gerald Bantag na namatay ang biktima sa sakit.

Dahil dito, hiniling ni Hontiveros sa awtoridad na tiyakin ang seguridad ni Rodel Tiaga, isang PDL at nagtatrabaho bilang orderly sa Site Harry, ang lugar na itinalaga para sa inmates na mayroong COVID-19.

“I also call for the protection of the PDL whistleblower because his life may be in danger after his disclosure,” giit ni Hontiveros.

Nananawagan din si Hontiveros sa Senado na huwag tantanan ang isyung ito.

“Let us exercise our oversight powers, investigate where necessary and uncover gaps that we can cure with remedial legislation.”

“Hindi na natin papayagan ang cover-up. Hindi na pwede ang Wild Wild West sa loob ng ating mga piitan,” ayon kay Hontiveros.

Ilan sa high profile inmates na ideneklarang namatay sa COVID sina Jaybee Sebastian, Francis Go, Willy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Ryan Ong at amin Buratong. Ernie Reyes