Manila, Philippines – Siniguro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ngayong Lingo (July 15) na ang pagkamatay ng isang preso na mayroong “flesh-eating bacteria” ay isang ‘isolated case’ lamang.
“Gusto nating i-assure ‘yung pamilya ng mga PDL [persons deprived of liberty] na nakakulong sa Manila City Jail na maayos ang facility doon at ito lamang ay isang isolated case na isang PDL na itrinansfer sa atin at may sakit na,” ayon kay BJMP spokesperson Senior Inspector Xavier Solda sa isang panayam.
Ayon kay Solda, ang preso na kinilalang si Gerry Baluran ay maroon ng flesh-eating bacteria na sakit bago pa man ito pumasok sa kulungan.
Ang mga ganitong klase ng kaso rin daw ay hindi isinasawalang bahala ng BJMP, dagdag pa niya.
“He was immediately confined doon sa medical dispensary natin and he was provided with 24/7 health care. Nandoon ‘yung mga nurses natin at roving doctor natin.”
Si Baluran ay dating nakakulong sa Manila Police District Station 9 bago pa man ito mailipat sa Manila City Jail, tatlong araw bago siya mamatay.
Inamin naman ni Solda na ito ang kauna-unahang beses niyang makakita ng ganitong kaso. Sinabi rin niya na bago ma-detained o makulong ang PDL, sinisigurong nasusuri muna ang medical records nito para makita kung kailangan itong ihiwalay sa iba pang mga preso.
“Kapag ang PDL ay papasok o isang pasiyente ay nakita natin may sakit, hindi talaga natin ‘yan hinahalo sa karamihan, lalo na sa malalaking facility na medical dispensary, doon muna sila. Kahit na ubo’t sipon, doon muna ‘yan,” sabi ni Solda.
“Hindi kasi talaga natin sila pwedeng ihalo sa karamihan dahil baka masama na naman sa bilang ng mga prevalent diseases natin lalo tuwing summer,” dagdag pa niya.
Siniguro rin ni Solda na ang mga pasilidad ng BJMP ay mayroong supply ng mga gamot para sa mga detainees at lahat din ng mga inmates ay binibigyan ng pagkakataon para maligo.
“Plus, itong mga PDL natin, we continuously educate them kung paano aalagaan ang sarili nila while nandun sila sa kulungan,” sabi ni Solda.
Kasalukuyang nakasarado ang Manila Police District Station 9 habang nagsasagawa ang mga awtoridad ng general cleaning sa kabuuang pasilidad. (Remate News Team)