Pagkamatay ng middleman sa Lapid case, ‘di scripted – Remulla

Pagkamatay ng middleman sa Lapid case, ‘di scripted – Remulla

October 21, 2022 @ 2:44 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tinitingnan ng ahensya ang lahat ng anggulo at posibilidad kaugnay sa pagkamatay sa New Bilibid Prison ng isang “middleman” sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

Sa kanyang pulong balitaan, natanong si Remulla hinggil sa reaksyon nito sa pagdududa ng publiko sa pagkasawi ni Jun Globa Villamor (na baka raw ginamitan ng unan o plastik), at may mga nagsasabing “scripted” ito.

(Larawan kuha mula sa Pulong Balitaan ni Remulla / Crismon Heramis)

Pero ayon kay Remulla, nang malaman niyang namatay si Villamor ay agad siyang nagpadala ng mga tauhan mula sa National Bureau of Investigation para magsagawa ng autopsy.

Marami rin aniyang testigo, gaya ng chief of police ng Las Pinas at mga taga Muntinlupa Police.

Inihahanda na rin ang toxicology report, dahil kailangan ng mabusising autopsy para rito.

Ito ay para mabatid kung ano ang tunay na ikinamatay ni Villamor o kung mayroon bang krimen na nangyari sa taong ito.

Kinumpirma naman ni Remulla na hindi nakausap ng PNP ang itinuturong “middleman” bago siya masawi.

Aniya, mabilis na namatay si Villamor na pronounced dead sa New Bilibid Prison hospital nitong Martes ng hapon, Oktubre 18.

Sa kaugnay na balita, kinumpirma rin ni Remulla na hawak ngayon ng mga pulis ang isa pang “person of interest” na sinasabing may kaugnayan sa pumanaw na “middleman”.

Sinabi ng Kalihim na tinawagan na niya ang NBP para i-turn over ang naturang persons of interest sa PNP kagabi.

At kasalukuyan, ang taong ito ay nasa PNP Custodial Center.

Gayunman, hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Remulla hinggil dito. Teresa Tavares