Pagkamatay ng Pinoy lawyer sa US, kaso ng ‘mistaken identity’ – envoy

Pagkamatay ng Pinoy lawyer sa US, kaso ng ‘mistaken identity’ – envoy

July 13, 2022 @ 5:27 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinaghihinalaang kaso ng ‘mistaken identity’ ang pagkamatay ng Filipino lawyer na si Atty. John “Jal” Laylo, na binaril habang bumibisita sa kanyang kamag-anak sa Amerika noong Hunyo.

Ayon kay Philippine Ambassador to the United States (US) Jose Manuel Romualdez, patuloy na sinusubaybayan ni New York Consul General Elmer Cato ang kaso para masigurong maisisilbi ang hustisya sa pagkamatay ni Laylo.

Hunyo 19 nang pagbabarilin ang sinasakyang Uber car ng biktima kasama ang kanyang ina.

Tinamaan sa ulo si Laylo at inilagay sa life support matapos na ideklarang brain-dead.

Tuluyan siyang binawian ng buhay noong Hunyo 20 sa edad na 35.

“The latest is I think they’ve already identified or I’m not sure if they’ve already apprehended the suspect, pero that was a case of mistaken identity,” saad ni Romualdez.

Samantala, bilang tugon sa Asian hate crimes sa US, sinabi ni Romualdez na nakikipag-ugnayan na ang kanilang konsulada sa Filipino community roon upang tulungan silang maprotektahan sa gitna ng nagpapatuloy na banta.

“We are always in touch with the authorities and every time there is a major issue, we immediately send a note to the US State Department to call their attention to it. Ang ating ASEAN ang ambassadors, sila rin ang mga Vietnamese, mga Thai, people from Brunei, are being targeted by the hate crimes,” aniya pa.

Nanawagan din si Romualdez sa mga awtoridad sa US na paigtingin ang pagsisikap nilang mapigilan ang anumang hate crimes matapos na ilang Pilipino na ang nabiktima nito sa mga nakalipas na buwan. RNT/ JCM