Pagkamatay ni Jovit, kinunek kay Chokoleit!

Pagkamatay ni Jovit, kinunek kay Chokoleit!

December 9, 2022 @ 6:00 PM 2 months ago


Manila, Philippines – May pagkakapareho raw ang kaso nina Jovit Baldivino at Chokoleit.

Ito ang binalikan ng entertainment media makaraang pumanaw si Jovit sanhi ng aneurysm madaling araw nitong December 9.

Ayon sa ulat, December 4 nang naimbitahan ang Season 1 grand champion ng Pilipinas Got Talent sa Batangas City.

Doon ay nagpaunlak pa ng tatlong awitin si Jovit.

Pero halatang hinahabol na raw niya ang kanyang hininga sa ikatlong kanta.

Pagkatapos ng song number ay umupo na raw ito ngunit napansing deformed na ang mukha ilang sandali at naglalaway.

Kaagad siyang isinugod sa Jesus of Nazareth Hospital sa naturang bayan kung saan comatose ang mang-aawit sa loob ng limang araw.

Ang pagpapaunlak ni Jovit sa paanyaya ng kaibigan ay paglabag daw sa advice ng doktor niya na sumuri sa kanya.

Jovit was diagnosed with hypertension at pinagpapahinga ng kanyang doktor.

Samantala, galing din sa pagtatanghal si Chokoleit bilang pagdiriwang ng festival sa Abra noong March 9, 2019.

Ayon sa isang doktor na ayaw ipabanggit ang pangalan sa panayam ng PEP at nakapanood ng video ng performance ni Chokoleit sa entablado, sa stage pa lang daw ay inatake na sa puso ang komedyante.

Bukod sa heart attack, pulmonary edema rin ang sanhi ng pagkamatay nito.

Ayon sa nasabing doktor, naagapan sana si Chokoleit kung pagkatapos ng kanyang awiting Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko ay bumaba na sa entablado para magpahinga.

Tumakbo pa raw kasi nang 20 minuto ang spiels ni Chokoleit when he could have cut it short.

Kitang-kita raw ang paghingal at pagpapawis ng komedyante on stage.

Samantala, nananawagan si Kiray Celis sa publiko na unawain ang mga tulad nilang performer.

Sina Kiray at Jovit ay malapit na magkaibigan noon pang 2010.

Ipinost ni Kiray ang boat ride picture nila kasama ang ilang mga kaibigan.

Gustong ipaunawa ni Kiray na malungkot ang buhay nilang mga performer na anuman ang pinagdaraanan ay laging ine-expect ng tao na nakangiti.

“Tao rin po kami,” hinaing ni Kiray na humihingi ng pang-unawa sa kanilang mga tagahanga. Ronnie Carrasco III