Pagkamatay ni Vice Mayor Lubigan, hindi isinisisi sa kampanya laban sa iligal na droga ni Pangulong Duterte

Pagkamatay ni Vice Mayor Lubigan, hindi isinisisi sa kampanya laban sa iligal na droga ni Pangulong Duterte

July 11, 2018 @ 10:03 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Hindi isinisisi ng naiwang pamilya ng pinatay na si Trece Martires City Vice Mayor Alex Lubigan sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nangyari sa bise-alkalde.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, walang hinanakit ang pamilya Lubigan kay Pangulong Duterte dahil na rin sa politika ang nasa isip ng asawa ni Vice Mayor Lubigan at ilang naroon sa lamay na naging dahilan ng pananambang sa bise-alkalde.

Nakipaglamay kasi si Sec. Roque sa pamilya Lubigan.

“Wala po siya sa narco-list at saka mukhang doon po sa sinabi sa akin ni misis at saka iyong mga taong naroroon, eh iniisip nga po nila, either pulitika talaga iyan at marami raw na isisiwalat pang mga isyu itong si Vice Mayor. Pero hayaan na po nating mag-imbestiga muna ang ating kapulisan,” ayon kay Sec. Roque.

Simple lamang aniya ang mensahe ng pamilya Lubigan at iyon ay ang hangad nilang katarungan para kay Vice Mayor.

Nalaman pa aniya na bagama’t Vice Mayor si Lubigan ay wala siyang opisina, walang budget at walang personnel.

“Iyong kanyang mga personnel nanggagaling pa sa provincial government ‘no. At masakit talaga ang mga pangyayari, dahil nagkaroon lang daw talaga ng parang supervening event, kung hindi po daw, eh dapat pati iyong misis at iyong anak ay nakasakay doon sa kotse. At iyong atake daw po ay malapit lang doon sa bahay nila,” aniya pa rin.

Kaya nga aniya ay kinakailangan ng pamilya ng katarungan sa lalong mabilis na panahon.

Iyon ay sa kabila ng binigyan naman ang mga ito ng assurance na gagawin ni Pangulong Duterte ang lahat para maimbestigahan, maparusahan ang mga pumatay kay Vice Mayor Lubigan. (Remate News Team)