Pagkansela ng DENR sa quarrying sa Upper Marikina Watershed, ikinatuwa ng tribo sa Dumagat

Pagkansela ng DENR sa quarrying sa Upper Marikina Watershed, ikinatuwa ng tribo sa Dumagat

November 30, 2022 @ 2:35 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng mga pinuno ng tribo ng kanselahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga quarry sa Upper Marikina Watershed ng Dumagat tribes sa Sierra Madre.

Ito ay kasunod ng anunsyo ng DENR na kanselahin ang apat na Mineral Product Sharing Agreements (MPSAs) sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL) sa ginanap na Senate budget hearing noong Nobyembre 16.

Sa pagdinig, sinabi ni DENR Secretary Toni Yulo-Loyzaga na dalawang MPSA ang kanselado na at ang dalawa pa ay nabigyan na ng notice para sa kanselasyon at naghihintay na lamang ng 90 day effectivity.

Nang marinig ang anunsiyo ng kalihim ng DENR, nakaramdam umano ng katiwasayan ang mga katutubong tribo ng Dumagat na naninirahan sa protektadong lugar.

“Secretary Loyzaga wiped away our fears over the then-impending violation and decimation of our sacred mountain, including the trees, wildlife, river and water supply for our crops and consumption. The MPSAs cause great damage not just to us but also to our fellow countrymen living in the lowlands that experience flooding and landslides every year,” batay sa nakasaad sa nilagdaaan liham ng mga katutubong tribo ng Dumagat.

Nabatid na bago ang ginawang anunsiyo ni Loyzaga, ang kinanselang MPSAs ay sinuspinde lamang sa kabila ng public announcement ukol sa kanselasyon ni dating DENR Secretary Roy A. Cimatu noong 2020.

Kasabay nito, tiniyak din ni Loyzaga na wala nang MPSAs sa loob ng protected area ng Upper Marikina River Basin, dahil sa batas, ipinagbabawal aniya ang pag-quarry at pagmimina sa loob ng mga protektadong lugar.

Ang pahayag ng mga Dumagat na naka-address sa kalihim ay nilagdaan ng mahigit dosenang Dumagat chieftain na naninirahan sa lugar ng Sierra Madre area. RNT