Pagkanta ni Escorial sa Lapid slay napanood ng “middleman” bago namatay – BuCor

Pagkanta ni Escorial sa Lapid slay napanood ng “middleman” bago namatay – BuCor

October 24, 2022 @ 6:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Napanood pa ng itinuturong “middleman” sa pagpatay kay Percy Lapid, ang testimonya ng self-confessed gunman na si Joel Escorial ilang sandali bago ito nasawi.

Sinabi ito ni Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag sa panayam ng CNN Philippines kung saan inalala niya ang huling sandali ng middleman na si Jun Villamor.

“Alam din ng mga PDL (persons deprived of liberty) pala na nagkakaroon na ng ganoong presscon. Eventually daw, narinig din niya (Villamor) ‘yung ganoon, nagkakape siya at umakyat sa kanyang higaan,” ani Chaclag.

“Pagkatapos ng tanghalian, hindi na bumaba at noong chineck nandoon na, nakalugmok, unconscious at dinala na siya sa ospital,” dagdag pa niya.

Matatandaan na nang araw ding iyon ay idineklarang patay na si Villamor alas-2 ng hapon.

Samantala, kwestyonable para kay Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr. ang pagkakataon ng pagkasawi ni Villamor kaya dapat ay hindi umano alisin ang posibilidad na may foul play dito.

Ngayong araw, Oktubre 24 ay inihayag din ni Azurin na isa si BuCor Director General Gerald Bantag sa 160 “persons of interest” sa pagpatay sa broadcaster na si Lapid. RNT/JGC