Pagkapanalo ng NegOr gov, binawi ng Comelec

Pagkapanalo ng NegOr gov, binawi ng Comelec

September 30, 2022 @ 7:11 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinawalang-bisa ng Commission on Elections (Comelec) ang pagkapanalo ni Negros Oriental incumbent Gov. Henry Teves noong May 9, 2022 elections.

Ito ay matapos magdesisyon ang poll body na idagdag o i-kredito ang mga boto na nakuha ng nuisance candidate na si Ruel Degamo sa natalong gubernatorial candidate na si Roel Degamo.

Ayon sa Comelec, inihain ang writ of execution noong Miyerkules sa mga partido.

Sinabi ng abogadong si Ferdinand Gujilde, tagapagsalita ng poll body sa Central Visayas, na maaaring iapela ni Teves ang desisyon sa Korte Suprema.

Ngunit kung mabigong makakuha ng temporary restraining order o TRO mula sa mataas ng hukuman ay ipapatupad ang hatol ng Comelec.

Tanging ang TRO lamang ayon sa Comelec ang makakapigil kay Roel Degamo na maluklok sa posisyon bilang gobernador ng Negros Oriental.

Magpupulong sa Oktubre 3 ang special canvassing board para ipawalang-bisa ang pagkapanalo ni Teves sa halalan at bigyan ng kredito ang mga boto na nakuha ng nuisance candidate pabor kay Roel Degamo.

Sa botong 3-2, ibinasura ng Comelec en banc ang apela na inihain ni Ruel Degamo, na ang tunay na pangalan ay Grego Gaudia, matapos pagbigyan ng ikalawang dibisyon ng poll body ang pakiusap ni Roel Degamo na ideklarang nuisance candidate si Ruel Degamo at kanselahin ang kanyang certificate of candidacy noong Disyembre 16, 2021.

Ang mga kasangkot na partido ay hindi pa naglalabas ng mga pahayag tungkol sa usapin.

Nakakuha si Roel ng 277,462 boto, habang si Ruel ay nakakuha ng 49,039 na boto noong nakaraang halalan.

Kung idadagdag ang mga numero, sapat na para kay Roel Degamo, ang dating gobernador ng Negros Oriental, na talunin si Teves, na nakakuha ng 296,897 boto. Jocelyn Tabangcura-Domenden