Pagkasama ng FDA law sa biniling overpriced laptop kinuwestyon ni Tolentino

Pagkasama ng FDA law sa biniling overpriced laptop kinuwestyon ni Tolentino

August 25, 2022 @ 5:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inamin ng isang dating opisyal ng Department Education sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee ukol sa biniling overpriced laptop ukol sa kanyang nagawang pagkakamali sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education at Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM).

Kinuwestyon kasi ni blue ribbon committee chair Senator Francis Tolentino sa pagdinig ang pagkakabanggit ng Food and Drug Law sa isa sa mga seksyon ng dokumento sa sinasabing biniling napakamahal na laptop.

Sinabi naman dating DepEd assistant secretary for procurement and administration Atty. Salvador Malana III na ang pagkakamali ay maaaring maiugnay sa “pro forma” na kontrata na ibinigay ng PS-DBM.

Kinuwestiyon ni Tolentino ang Section 1.8 ng MOA kung saan nakasaad na: “The PS-DBM reserves the right with prior consultation with the DepEd to make changes to the bidding documents which includes the technical specifications TOR or other project requirements, as it may deem necessary to promote competition and ensure compliance with RA 9184 and its IRR and to other regulatory laws like the Food and Drug Law in its IRR.”

Ang MOA ay nilagdaan nina Education secretary Leonor Briones at dating PS-DBM officer-in-charge Christopher Lloyd Lao at  sinaksihan nina Malana at dating PS-DBM executive director Jasonmer Uayan.

“Bakit po nakasali dito ang Food and Drug Administration? Bakit nakasali po ang Department of Health? Ang pinag-uusapan natin laptop hindi po ito PPE. Hindi po ito medical devices, hindi po ito medicines, nakalagay po sa contract tapos cinite pa sa succeeding articles, referring to Section 1 again, and section 1 refers to that FDA,” ani Tolentino.

“Hindi ho kaya merong de kahong kontrata na pinalitan na lang kung medicine, ginawang laptop. Bakit po nakasama ang FDA? FDA is not part of this procurement process. Laptop po ito para sa DepEd,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Tolentino na hindi pinag-aralan ng mabuti ng mga abugado na inatasang magrepaso sa MOA ang lahat ng probisyon.

“Pinapakita ko lang po ito para ipakita sa inyo na parang—mawalang galang na po ayaw ko po banggitin ito—parang hindi napag-aralan ng abogado kasi kung maayos na abogado tatanungin niya bakit kasama itong FDA law sa pagbili ng laptop?” tanong niya.

Itinuro ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla si Malana para sagutin ang tanong ni Tolentino.

“So as witness, as a lawyer, you testify that you have read this. Ayaw natin ipahamak ‘yung secretary niyo. Ayaw natin ipahamak ang kagawaran ninyo. So bakit lumagda ka rito na FDA na ang pinag-uusapan dito?” tanong ni Tolentino kay Malana.

Inamin ni Malana na ang pagsasama sa batas ng FDA ay pagkakamali ng mga abogadong hiniling na pag-aralan ang MOA.

“I will therefore agree with you, your honor, that this could be a big mistake…It was a mistake to have included Food and Drug Law on Clause 1.8 and I would also mention, your honor, that indeed this emanated from a pro forma contract from DBM-PS,” ani Malana.

“I would admit that there were mistakes not on the part of the legal department but the lawyers who were involved in the crafting of the document. But I do take responsibility for having signed as a witness. I provided the secretary inputs on the legality or propriety,” pag-amin pa ni Malana.

Matapos nito, sinabi naman ni Tolentino na maaari pang may iba pang “legal mistakes” sa nasabing pagbili.

“Pinahamak ninyo ang secretary ninyo kasi naging drugs. Dapat sa Department of Health ka, kay Secretary Duque,” dagdag pa ng senador. RNT