Pagkasawi ng mag-asawang Tiamzon ‘di pa makumpirma-Army

Pagkasawi ng mag-asawang Tiamzon ‘di pa makumpirma-Army

August 23, 2022 @ 12:09 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi makumpirma ng Philippine Army ang pagkasawi ng dalawang umano’y matataas na pinuno ng New People’s Army (NPA) sa isang pagsabog ng bangka sa Samar noong Lunes ng madaling araw.

Sinabi ni Joint Task Force Storm commander Major General Edgardo de Leon na hindi nila matiyak ang mga ulat na sina National Democratic Front (NDF) peace consultant Benito Tiamzon at asawa nitong si Wilma Austria Tiamzon ay sakay ng bangka na sumabog sa karagatan ng Catbalogan City, Samar.

Hindi pa rin malinaw kung ano ang sanhi ng pagsabog ng bangka.

Sinabi ni De Leon na inaalam pa nila kung sino ang mga sangkot sa insidente, at idinagdag na magiging mas malaking problema para sa Army kung lalabas ang mga Tiamzon at magbibigay ng patunay na sila ay buhay.

“Sa ngayon ay wala tayong pisikal na ebidensya na magpapatunay na ang mga Tiamzon ay sakay ng nasabing bangkang de-motor,” ani De Leon sa CNN Philippines.

Sinabi ni Kapitan Ryan Layug, tagapagsalita ng JTF Storm, na nakatanggap ng impormasyon ang militar na isang grupo ng mga armadong tao ang sumakay sa isang bangka sa hilaga ng Catbalogan.

Sinabi niya na ang mga tropa ay pumunta sa lugar at sa paglapit sa bangka, ang mga pasahero ng bangka ay inabisuhan para sa inspeksyon pero pinaputukan umano sila nito na nagresulta sa engkwentro.

Maya-maya ay isang pagsabog ang nangyari na dahilan ng pagkawasak ng bangka.

“Tinanong ko sila kung may nakikita silang mga indicator ng mga bangkay ng tao, sinabi nila sa akin na wala silang nakitang bangkay sa lugar, kaya hindi ko makumpirma sa ngayon kung ang tinatawag na Tiamzons doon sa bangka,” sabi ni de Leon.

Ang mga Tiamzon, na pormal na binansagan ng Anti-Terrorism Council bilang “mga terorista,” ay itinuturing na mga pugante.

Hinatulan sila ng hukuman ng Quezon City ng hanggang 40 taong pagkakakulong noong Nobyembre 2020 dahil sa pagkidnap sa apat na Army lieutenant noong 1988.

Nakalaya ang mag-asawa noong Agosto 2016 matapos payagang makapagpiyansa para makadalo sa negosasyong pangkapayapaan sa Oslo, Norway bilang mga consultant ng NDF.

Ang mga Tiamzon ay inutusang muling arestuhin makalipas ang dalawang taon nang pormal na wakasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan matapos akusahan ng mga rebelde at pwersa ng gobyerno ang isa’t isa ng mga paglabag sa tigil-putukan. RNT