Pagkaunti ng natatakot sa bakuna, ikinatuwa ni Bong Go

Pagkaunti ng natatakot sa bakuna, ikinatuwa ni Bong Go

January 25, 2022 @ 3:27 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Nagpahayag ng optimismo si Senator Christopher “Bong” Go na malalampasan ng bansa ang pandemya kasunod ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpakita ng pagkaunti ng mga Filipino na nag-aalinlangan sa bakuna.

Ang survey na isinagawa sa pagitan ng Disyembre 12 hanggang 16, 2021 ay nagsiwalat na 8% lamang ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nag-aatubili pa ring magpabakuna, kumpara sa dating 18% na ayaw tumanggap nito noong Setyembre 2021.

Napansin ng poll body na ang mga resulta ng Disyembre ay nagpakita ng patuloy na pagbaba sa pag-aalangan sa bakuna mula sa 21% na iniulat noong Hunyo 2021 at 33% noong Mayo 2021.

“Isa lang ito sa mga patunay na nasa tamang landas ang ating pandemic efforts lalo na pagdating sa pagbabakuna. Ang bakuna talaga ang tanging susi o solusyon upang unti-unti na tayong bumalik sa ating normal na pamumuhay,” ani Go.

“Patuloy naman po ang pagdating ng mga bakuna. Para po sa ating gobyerno, ituloy lang po natin ihatid ang mga bakuna sa ating kababayan lalo na sa mga mahihirap para mas marami pang Pilipino ang protektado mula sa COVID-19,” apela niya.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng patuloy na suporta at kooperasyon ng lahat sa tagumpay ng pambansang pagbabakuna ng gobyerno.

“Sa pagdating ng mga bagong variant, tulad ng Omicron, magandang senyales na marami na sa ating mga kababayan ang nahihikayat na magpabakuna dahil mas gusto nilang maging protektado laban sa virus,” ayon kay Go.

Aniya, isa ito sa indikasyon na epektibo ang vaccination campaign awareness ng gobyerno kaya naman pinasalamatan niya ang mga Pilipino sa pagtulong sa pamahalaan na malagpasan ang pandemyang kinakaharap ng bansa.

“Bagama’t hindi mandatory ang vaccination laban sa COVID-19 at hindi pwede pilitin ang tao, hikayatin pa rin natin ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na dahil maiiwasan natin ang malubhang sakit o maging kamatayan dahil sa COVID-19,” anang mambabatas. ##