Pagkilala sa 157 namatay sa killer crash sa Ethiopia, aabutin ng 6 buwan

Pagkilala sa 157 namatay sa killer crash sa Ethiopia, aabutin ng 6 buwan

March 17, 2019 @ 11:43 AM 3 years ago


Ethiopia  – Aabutin ng nasa anim na buwan bago tuluyang makilala ang 157 na namatay sa bumagsak na eroplano sa Ethiopia, ayon sa Ethiopian Airlines sa dokumentong ibinahagi ng AFP nitong Sabado.

Magugunita na ang Ethiopian Airlines Flight 302 ay bumagsak ilang minuto lamang ang nakalilipas matapos sumahimpapawid mula Addis Ababa papunta sanang Nairobi noong nakaraang Linggo. Lahat ng nakasakay sa flight ay namatay kabilang na ang 149 na pasahero at 8 crew.

Ang insidente ang nagtulak sa ilang mga bansa sa buong mundo na ipagbawal ang Boeing 737 MAX 8 aircraft, ang model ng eroplanong bumagsak.

Sa dokumento na ibinahagi ng airline sa pamilya ng mga namatay sa killer crash ay sinabi ang timetable sa pagbalik sa mga pag-aari ng biktima at pamamahagi ng death certificates.

“DNA result will be announced approximately between 5 to 6 months from the date the sample is collected,” ayon sa dokumento.

Ang dokumento ay ibinahagi sa AFP ng kaanak ng isa sa mga biktima na tumangging pangalanan.

Ang pagbagsak ng Ethiopian Airlines Flight 302 ay ikalawang insidente ng pagbagsak ng Boeing 737 MAX 8 aircraft kasunod ng pagbagsak noong Oktubre ng Indonesian Lion Air jet, pumatay sa 189 pasahero at crew./Remate News Team