Pagkuha ng 1,464 Ivermectin trial participants sisimulan sa Nobyembre

Pagkuha ng 1,464 Ivermectin trial participants sisimulan sa Nobyembre

October 23, 2021 @ 2:15 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Department of Science and Technology (DOST) sa Nobyembre ang pagkuha ng mahigit 1,400 participants sa gagawing eight month-long clinical Ivermectin trials.

Sinabi ng DOST ngayong Sabado, Oktubre 23 na sisimula naman ang clinical trial bago matapos ang taon.

Sa ngayon ay nagpapatuloy umano ang ‘pre-clinical trial activities’ at tinukoy na rin ang mga lugar kung saan gaganapin ang clinical trial sa Metro Manila ayon kay DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Rowena Cristina Guevara.

“Ang ating patient recruitment ngayong Nobyembre at ang release ng preliminary results ay sa end po ng December 2021,” sinabi ni Guevara kasabay ng Laging Handa public briefing.

Pangungunahan ni Dr. Aileen Wang ng University of the Philippines – Philippine General Hospital ang ‘double-blind, placebo-controlled, randomized controlled trial’ para sa Ivermectin kasama ang 1,646 na mga participant.

Ayon pa sa DOST official, maaaring kunin sa Cagayan Valley at Davao ang ilan sa mga volunteers na kanilang ire-recruit kung kukulangin pa sila sa lalahok dito.

Matatandaan na pinag-aaralan na ang pagbuo ng local Ivermectin capsules na maaaring magamit bilang panggamot sa mga sintomas ng COVID-19. RNT