Pagkuha ng fuel supply sa Russia kinokonsidera ni PBBM

Pagkuha ng fuel supply sa Russia kinokonsidera ni PBBM

September 28, 2022 @ 7:35 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinokonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lapitan ang Russia para sa fuel supply sa Pilipinas.

Ikinatwiran ng Pangulo ang pagtaas ng presyo ng petroleum products na labis na nakaapekto sa bansa.

Tinukoy din nito ang pangangailangan na magkaroon ng “alternative sources” para sa langis.

“Now, maybe we need to approach Russia, say that maybe they can loosen up and provide us with some fuel,” ang wika ni Pangulong Marcos.

At nang tanungin kung may pag-uusap na ang Pilipinas sa Russia hinggil sa fuel supply , sinabi ni Pangulong Marcos na “Yes, we are. We are having conversations with as many as possible suppliers.”

At nang susugan naman ng tanong kung kailan inaasahan ang suplay ay kaagad na tugon ng Chief Executive ay “Pretty soon. We are coming close with some agreements. Certainly, it will not be only in one place.”

Nang hingan naman ng detalye si Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa usaping ito, sinabi niya na makapagpapalabas lamang ng kalatas ang Malakanyang sa bagay na ito kapag mayroon ng kasunduan at naisapinal na ito.

“We do have the information but until the agreement has been finalized then we cannot disclose the pending transactions,”ani Cruz-Angeles.

Samantala, ayon sa Department of Energy-Oil Industry Management Bureau, isa sa mga nakakaapekto sa paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ay ang pagtaas ng demand para sa gasolina sa Estados Unidos at Europa sa gitna ng matagal na kakulangan ng suplay na dala ng digmaang Russia-Ukraine.

Karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustment ang mga kompanya ng langis tuwing Lunes na ipatutupad naman sa susunod na araw. Kris Jose