‘Pagkuha ng passport, pabilisin’ – Bong Go

‘Pagkuha ng passport, pabilisin’ – Bong Go

March 17, 2023 @ 1:39 PM 7 days ago


MANILA, Philippines – SINUSUGAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang batas na layong gawing simple at mabilis ang pagkuha ng pasaporte ng Pilipinas dahil na rin sa pag-unlad ng mga teknolohiya at karapatang maglakbay ng bawat Pilipino.

Ang Senate Bill No. 2001 o ang New Philippine Passport Act ay bagong batas sa pasaporte na ipapalit sa Republic Act No. 8239, o ang Philippine Passport Act of 1996.

Ang panukalang ito ay pangunahing inisponsoran ni Senator Imee Marcos.

Sa kanyang co-sponsorship speech, sinabi ni Go ang pangangailangan para sa isang pinasimple, mabilis na access at mabilis na pagkuha ng pasaporte ng Pilipinas na tutugon sa pangangailangan ng pangkalahatang publiko.

“With the advancements in technology, it is just right and proper that we have a more simplified, accessible, and secure Philippine passport. After all, the right to travel is recognized in our Constitution,” sabi ni Go.

Ipinaliwanag ni Go na ang panukalang batas ay magbibigay ng mga bagong alituntunin sa pag-iisyu ng mga pasaporte ng Pilipinas, kasama na ang mga partikular na probisyon para sa mga menor de-edad na aplikante, foundling, senior citizen at migranteng manggagawa.

Pinuri ng senador na ang sampung taong validity ng mga pasaporte ay nakapaloob sa panukala.

Ang sampung taong validity ng mga pasaporte ay unang ipinakilala noong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng pagpasa ng RA 10928.

Ang nasabing hakbang, ani Go, ay nakatulong upang maibsan ang hirap na dinaranas ng mga mamamayang Pilipino sa pag-renew ng kanilang mga pasaporte.

“Noong panahon po ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, pinirmahan niya po ang Republic Act 10928 to amend the existing passport law to extend the validity of passports from five years to ten years,” sabi ni Go.

“Napakalaking bagay po noon, lalung-lalo na po sa ating mga kababayan na napakahirap pong mag-renew ng passport, para hindi na mahirapan ang ating mga kababayan na pumila at magbayad pa para sa panibagong passport. Ayaw nating mahirapan ang ating mga kababayan sa pagkuha ng basic government services,” dagdag ng senador.

Samantala, sa ilalim ng panukala, ang Department of Foreign Affairs ay aatasang magtatag ng online application portal at electronic one-stop shop na madaling ma-access sa kanilang opisyal na website.

“This will facilitate convenience of application and ease in gathering and submission of requirements. The bill also reiterates the ten-year validity of regular passports, except for those under 18 years of age,” ani Go.

Bukod dito, kinikilala ng SBN 2001 ang pangangailangang magbigay ng espesyal na tulong sa senior citizen, mga taong may kapansanan, mga buntis, at overseas Filipino worker na nangangailangan ng espesyal na akomodasyon sa proseso ng aplikasyon ng pasaporte.

Gagawa ng mga special lane para mapabilis ang kanilang aplikasyon at proseso sa pag-renew.

Kabilang din dito ang 20% bawas sa mga bayarin sa aplikasyon ng pasaporte para sa senior citizen at PWD.

“Through this measure, we hope we could enhance and protect the unimpaired exercise of our right to travel. It is for these reasons that I request to be considered a co-author of this measure,” ayon sa mambabatas. RNT