PAGKUHA NG WIRING PERMIT SA MANILA CITY HALL PAHIRAPAN

PAGKUHA NG WIRING PERMIT SA MANILA CITY HALL PAHIRAPAN

September 6, 2022 @ 6:17 PM 4 weeks ago


PAHIRAPAN daw ang pagkuha ng wiring permit sa Manila City Hall ayon sa ilang residente na nagtungo sa nasabing tanggapan upang kumuha ng kailangan nilang permit sa pagpapaayos ng linya ng kuryente sa kanilang tahanan.

Sa kanilang reklamo sa Juan De Sabog inabot daw ng mahigit isang buwan ang kanilang ipinaghintay bago lumabas ang inaasam-asam nilang wiring permit.

Noong daw, ayon sa ilang nakakuha na bago pa ang bagong pamunuan ngayon, ay isang linggo lang ang kanilang hinihintay at lumalabas na kaagad ang kanilang hiling na permit.

Ayon sa mga nag-apply ng wiring permit, napakarami raw ng hinihinging requirement sa kanila pero iyong ibang may kakilala o kapit sa loob ng tanggapan ay oras lang ang inaabot o itinatagal sa kuhanan ng wiring permit at kaagad napagbibigyan.

Siyempre, mas mabilis kapag bukod sa may kakilala ka na ay may kamag-anak ka pa na nagtratrabaho sa tanggapan ng Electrical Engineering Office ng Manila City Hall.

Ang isa pang masaklap na kinakaharap ng mga kumukuha ng wiring permit at ang mataas na presyong kanilang babayaran. Sobra-sobra ang itinaas ng sinisingil sa kuhanan ng permit.

Bukod pa ito sa napakaraming kailangang hagilapin para lang makapagpapirma ng permit. Dati-rati, kapag may lisensiyadong electrical engineer ka lang na mapapagawa ng plano at mapapapirma ay makakakuha ka na ng permit, pero ngayon aymay mga hinihingi pang authorization mula sa may-ari ng bahay na may represenrtative siyang inatasan na maglakad ng papeles.

Tama naman, na may authorization ang may-ari pero ang masakit ang dami nilang hinihingi pero halata namang ang gusto lang ay maglagay sa kanila ang naglalakad ng permit.

Sana, makita ang mga pangit na gawain ng mga tauhan ng Manila City Hall ng kanilang mga hepe upang hindi umabot sa pagkasira ng dangal at pangalan ng mga opisyal ng tanggapan.

Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764,09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]