Pagkukunan ng Maharlika Investment Fund, dapat tukuyin ng Kongreso– Gatchalian

Pagkukunan ng Maharlika Investment Fund, dapat tukuyin ng Kongreso– Gatchalian

January 23, 2023 @ 7:17 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Matinding iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangailangan na lantarang tukuyin ng Kongreso ang pagkukunan ng pondong gagamitin sa kontrobersiyal na Maharlika Investment Fund (MIF).

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na pangunahing tema ng diskusyon sa miyembro ng Senado ang pagkukunan ng capital na gagamitin sa MIF kaya’t nararapat na matukoy ito ng Kongreso.

“May mga issues na dapat pag-usapan na mabuti. Unang-una, yung pondo saan kukunin, hanggang ngayon debate pa rin ‘yan,” ayon kay Gatchalian.

“Pangalawa, assuming makakalikom tayo ng pondo, eh sapat ba ‘yan para kumita dahil sa mga ganitong sovereign wealth fund?” dagdag niya.

Sinabi ni Gatchalian na dapat lagakan ng dambuhalang pondo ang kontrobesiyal na MIF bago pa ito makalikha ng substantial return – kaya nararapat na partikular na tukuyin kung saan kukunin ng gobyerno ang pera upang pondohan ito.

Himutok ni Gatchalian na kahit ngayon, naghihikahos ang bansa kung saan kuunin ang pondong gagamitin sa pagpapatayo ng paaralan.

“Malaki talaga ang pangangailangan ng ating bansa pagdating sa pondo. Ngayon as to the timing, sa akin ang pinaka concern ko is more kung saan kukunin ang pondo dahil kung may pagkukunan tayo, let’s say may sobra tayo, then pwede nang ma-solve ang timing pagdating ganun,” ayon kay Gatchalian.

“Pero kung wala kang pagkukunan, timing will be an issue dahil marami nga tayong pangangailangan,” giit niya.

Tinukoy din ni Gatchalian ang banta ng resesyon sa buong mundo pero kahit maroon ganito, maganda ang kondisyon ng ekonomiya ng bansa.

Hinggil naman sa pagbabago sa Mababang Kapulungan na inalis ang Bangko Sentral kapalit ng initial public offering (IPO), sinabi ni Gatchalian na nagbigay ito ng “check and balance.”

“Naisip ko kaya i-IPO ng mga proposal ay para umayos ang kanilang governance structure, ibig sabihin hindi lang gobyerno ang nasa loob kundi may private sector, ibig sabihin may check and balance ka, government and private na nagmamanage at nagbibigay ng regulation o ng oversight dito sa pondong ito,” aniya.

Pero, aniya, kahit mayroong ganitong bersiyon sa Mababang Kapulungan, muling babalik ang diskusyon kung saan kukunin ang inisyal na pondo.

“Pero babalik kasi tayo sa original, saan kukunin ang pondo. Kahit anong government structure ang ilalagay natin doon kung may pondong hindi sapat, baka hindi rin maging effective itong iniisip nating Sovereign Wealth Fund,” ani Gatchalian. Ernie Reyes