Pagkumpiska ng lisensya sa mga pasaway sa kalsada sa Maynila, tuloy pa rin

Pagkumpiska ng lisensya sa mga pasaway sa kalsada sa Maynila, tuloy pa rin

September 23, 2022 @ 5:32 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na patuloy ang gagawin nilang pagkumpiska ng mga lisensya sa mga motoristang lalabag sa batas trapiko sa nasabing lungsod.

Nabatid kay kay Atty. Princess Abante, tagapag-salita ni Manila Mayor Honey Lacuna, ang pagkumpiska ng lisensya ng mga traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ay nakabase sa isang ordinansa.

Nakasaad sa ordinansa na awtorisado ang mga traffic enforcers sa Maynila na mangumpiska ng lisensya ng mga traffic violators sa nabanggit na lungsod.

Matatandaan na una nang iniutos ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos na tanging ang Land Transportation Office (LTO) lamang ang may karapatan na mangumpiska ng lisensiya ng mga motorista na may traffic violation.

Ito ay kasunod nang pagpapakalat ng mas maraming local traffic management units sa mga lansangan dahil na rin sa pagpapalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema sa pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Program (NCAP). JAY Reyes