Pagkumpuni sa Burgandi hotel elevator pinahihinto ng Makati LGU

Pagkumpuni sa Burgandi hotel elevator pinahihinto ng Makati LGU

July 12, 2022 @ 11:46 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinuspindi ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pagkukumpuni ng lahat ng elevator sa Burgundy Tower makaraang aksidenteng bumagsak ang isang elevator sa gusali na ikinamatay ng dalawang maintenance crew nitong nakaraang Hulyo 8.

Sa isang salaysay ay sinabi ni Makati City spokesperson Atty. Michael Camiña na nagpahatid ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga namatay na aksidenteng nabagsakan ng elevator na kinukumpuni ng dalawang biktimang maintance crew na sina Manuel Linayao at Rey Miguel Gilera.

Sinabi ni Camiña na inatasan na rin ni Makati City Mayor Abby Binay ang Office of the Building Official (OBO) na makipag-ugnayan sa lokal na pulisya para sa pautloy na imbestigasyon ng kaso kasabay ng pagsusupindi ng lahat ng pagkukumpuni sa lahat ng elevator sa nabanggit na gusali hanggang sa pagkakataon na alisin na ng OBO ang suspensyon kapag nakasunod na sa compliance ang contractor sa kanilang safety protocols.

“We also enjoin the management of Burgundy Corporate Tower, Otis Philippines and its contractor, DLC Electron Mechanical Engineering Service, to give their full cooperation in the ongoing investigation,” ani Camiña.

Ayon pa kay Camiña, nagbigay na rin ng kasiguruhan ang lokal na pamalahaan na makikipag-ugnayan ang lungsod sa lahat ng ahensya ng gobyerno upang mamalaman kung sino ang nararapat na sumagot sa naturang aksidente at magbigay ng kompensasyon sa pagkamatay ng mga biktimang sina Linayao at Gilera.

Dagdag pa ni Camiña, pinahahalagahan ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan ng lahat ng Makatizens kabilang na dito ang mga kliyente at empleyado ng mga estalbisimiyento at corporate offices sa lungsod.

Ipinangako din ng lokal na pamahalaan na kanilang ipagpapatuloy ang pahigpit na pagpapatupad ng safety protocols sa lahat ng gusali upang hindi na maulit pa ang mga hindi inaasahang pangyayari.

Matatandaan sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP) na unang rumesponde sa lugar, nangyari ang insidente dakong alas 3:46 ng madaling araw habang kinukumpuni nina Linayao at Gilera ang lumang elevator sa ika-anim na palapag ng gusali na matatagpuan sa Gil Puyat Avenue, Barangay Pio Del Pilar, Makati City.

Sa hindi pa maipaliwanag na dahilan ay biglang bumagsak ang isang elevator galing sa ika-38 palapag at lumagapak sa ika-anim na palapag kung saan nagtatrabaho sina Linayao and Gilera na naging dahilan ng kanilang agarang pagkamatay. James I. Catapusan