Paglagda ni PDU30 sa Height Equality Act, pinuri ni Bong Go

Paglagda ni PDU30 sa Height Equality Act, pinuri ni Bong Go

May 31, 2021 @ 4:00 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa Republic Act No. 11549 na nagbababa sa minimum height requirements sa mga nais pumasok sa Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Prevention at Bureau of Corrections.

Umaasa si Go na ang nasabing batas ay makatutulong sa pagpapalakas sa law enforcement, firefighting forces at iba pang first-responders ng bansa sa panahon ng emegency at kalamidad.

“I want to commend President Rodrigo Duterte for signing this measure that modifies the minimum height requirement for PNP, BJMP, BFP, and BuCor personnel,” sabi ni Go.

“Malaking tulong po ito upang mapalakas at mapatatag ang ating mga kapulisan, bumbero at iba pang first-responders pagdating ng oras ng sakuna,” idinagdag niya.

Sa Senate Bill No. 1563, na inihain ni Senator Ronald dela Rosa at co-authored ni Go, ibinababa nito ang height requirement sa 1.57 meters o five feet aat two inches para sa lalaki at 1.52 meters o five feet para sa babae na nais pumasok sa law enforcement agencies o maging uniformed personnel.

Ang pag-alis ng height requirement sa mga aplikante mula sa indigenous groups, sa kabilang dako, ay mananatli.

Sinabi ni Go na ang nasabing batas ay makapagbibigay ng oportunidad sa lahat ng Filipino citizens na makapagsilbi sa bansa.

“Marami pong lumalapit sa akin kahit noong hindi pa ako Senador. Nagpapatulong para ma-waive o mabawasan ang minimum height requirement sa pagiging pulis at bumbero,” ayon kay Go.

“Marami pong gustong magsilbi sa kapwa tao, kailangan lang po natin silang bigyan ng oportunidad na tumulong at magserbisyo,” dagdag ng senador.

Kinikilala ni Go ang pagsisikap ng law enforcement officers, lalo ang kanilang pagsisikap na mapabuti ang kanilang reputasyon sa mata ng publiko sa pamamagitan ng pagpapairal ng disiplina at integridad.

“Makikita niyo ngayon, ang mga pulis, ginagalang at nirerespeto na. Suportado namin kayong lahat ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa abot ng aming makakaya, tutulong kami sa inyo bilang pagkilala sa inyong mga sakripisyo para mapangalagaan ang kapakanan ng mga Pilipino,” ani Go.

“Nang umupo ang ating Pangulo sa Malacañang, inatupag niya kaagad na madoble ang sahod ng mga miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection at iba pang kaugnay na ahensiya.”

“Ako po mismo ang nakiusap nito sa Kongreso noong Special Assistant to the President pa lamang ako upang mapatupad ang salary increase na ito para sa ating mga uniformed personnel na ipinangako ng Pangulo,” pahabol ng mambabatas.###