Paglalabas ng P1.185B SRA ng health workers oks na kay Digong

Paglalabas ng P1.185B SRA ng health workers oks na kay Digong

January 19, 2022 @ 5:09 PM 4 months ago


Manila, Philippines – Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagpapalabas sa P1.185 bilyong piso mula sa contingent fund ng gobyerno noong nakaraang taon para sa special risk allowance (SRA) ng mga health worker na hindi pa nakatatanggap nito.

Sinabi ni Senador Bong Go na ang P1.185 bilyong piso ay huhugutin mula sa 2021 Contingent Fund at gagamitin para bayaran ang SRA ng eligible health workers na direktang nag-aasikaso o may contact sa COVID-19 patients.

“Ang ating mga medical frontliners ay ang mga sundalo sa gyerang ito. Sila ang tinuturing nating bayani sa laban kontra COVID-19,” ayon kay Go, long-time aid ni Pangulong Duterte at chairman ng Senate health committee.

Sa ngayon, mahigit sa 496,000 health workers ang nabigyan ng kanilang SRA, ang iniulat ng Department of Health (DOH) sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, araw ng Martes, Enero 18.

“The SRA provided has amounted to a total of nearly P8 billion,” ayon kay DOH Assistant Secretary Maylene Beltran. Kris Jose