Paglikha ng Department of Disaster Resilience oks kay PBBM

Paglikha ng Department of Disaster Resilience oks kay PBBM

July 27, 2022 @ 7:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na lilikha sa Department on Disaster Resilience, kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Northern Luzon, kaninang umaga.

At sa tanong kung isusulong niya ang pagpapasa ng nasabing panukalang batas, mabilis ang naging sagot ni Pangulong Marcos na “Yes.”

“Mukhang…I don’t like to say it, mukhang mapapadalas ito eh… not the earthquake pero ‘yung weather, lalo na ‘yung extreme weather… kahit hindi bagyo, nakikita mo sa Europe, sa Amerika, baka naman abutan tayo ng ganyan, ‘yung napakainit masyado,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.

“So these are the things that we have to be careful, we need more capability that we have now. Magaling na tayo sa bagyo, marunong na tayo sa lindol pero ang mga dangers, the effects of climate change present are different, that’s why we need a specialist agency,” aniya pa rin.

Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang palaging tinatamaan ng natural disasters sa nakalipas na 20 taon, na may “weather effects exacerbated by climate change.”

Sa ulat, muling inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang pagtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) na layuning maihanda o mapanatiling ligtas ang mga komunidad laban sa mga kalamidad tulad ng bagyo na madalas tumatama sa ating bansa.

Sabi ni Go, pangunahing mandato ng DDR na bago pa man dumating ang bagyo o inaasahang kalamidad ay mayroon ng nakikipag-ugnayan sa Local Government Units (LGUs), nakaposisyon na rin ang mga relief goods at nailikas na ang mga residente sa delikadong lugar.

Sabi ni Go, paghupa ng kalamidad tulad sa pag-alis ng bagyo ay agad na ikakasa ng DDR ang pagbangon at pagbalik sa normal ng mga sinalantang lugar para rin maisaayos agad muli ang buhay ng ating mga kababayang naapektuhan nito.

Nakapaloob din sa panukala ang paglikha ng Integrated Disaster Resilience Information System na magsisilbing database ng lahat ng Disaster Risk Reduction and Climate Change Information.

Ang nabanggit na mga impormasyon ay may malaking maitutulong para sa mabilis na pagpapasya, paglalatag ng nararapat o mahusay na mga hakbang at koordinasyon mula sa national at local levels ng gobyerno.

Iniuutos din ng panukala ang pagbuo ng National Disaster Operations Center and Alternative Command and Control Centers na syang magbabantay, mamamahala at agad na tutugon sa mga kalamidad. Kris Jose