PAGLIKHA NG DEPARTMENT OF WATER  RESOURCES LUBHANG KAILANGAN

PAGLIKHA NG DEPARTMENT OF WATER  RESOURCES LUBHANG KAILANGAN

August 15, 2022 @ 7:53 PM 2 months ago


BAGAMAT maraming mahahalagang batas ang pumasa sa nagdaang 17th at 18th Congress sa ilalim ng Duterte administration ay hindi nakalusot ang panukala ukol sa paglikha ng DWR o ng Department of Water Resources na hindi umusad sa Senado bagamat ipinasa ng House of Representatives sa ikalawa at ikatlong pagbasa.

Ang tanong ng inyong Agarang Serbisyo Lady sa mga mambabatas, hindi ba mahalaga ang pagkakaroon nito sa gitna ng climate change na patuloy na lumalala?

Mabuti na lamang at sa kauna-unahang State of the Nation Address ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ay isa ito sa mga inihain niyang priority legislative agenda ang pagbuo ng DWR.

Lubha kasing kinakailangan na ng bansa ang Department of Water Resources para sa pagkakaroon ng water security sa bansa lalong-lalo na sa high urbanized areas katulad ng Metro Manila na ilang beses na ring nakaranas ng water crisis.

Ang Metro Manila kabilang ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ay umaasa sa tubig buhat sa Angat Dam at mga kaugnay na dam na inihahatid ng mga water concessionaires na Manila Water at Maynilad Company sa pamamahala ng MWSS o ng Metropolitan Manila Waterworks and Sewerage System.

Mayroong pag-ulan nitong nakaraang araw, ngunit hindi sapat ang tubig ulan sa area ng Bulacan, kaya bumaba ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Base sa dam elevation level noong ika-12 ng Agosto 2022, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 177.69 meters, mas mababa ng 2.31 meters, kung ikukumpara sa minimum operating level na 180 meters. Mas lalong malayo sa normal high-water level (NHWL) na 210 meters. Ang Bustos Dam ay nasa 17.16 meters, malapit na sa 17.70meters spilling level at ang Ipo Dam ay nasa 100.54 meters, malapit-lapit na rin sa 101.00 meters spilling level.

Mabagal ang usad ng polisiya ukol sa usapin ng water management, utilization and conservation dahil sa isyu ng tubig sa bansa ay pinaghahatian ng 39 agencies na nag-uunahan sa pondo at nag-aagawan sa hurisdiksyon.

Sa mga mauunlad na bansa, ang serbisyo ng tubig ay nakaatang sa isang departamento.

 

Nagbibigay naman ng inputs ang National Water and Resources Board (NWRB) at iba pang water stakeholders ukol sa water management, bakit hindi lumusot sa nakaraang mga Kongreso ang Department of Water?