Paglikha ng OGCC charter, isinusulong

Paglikha ng OGCC charter, isinusulong

December 15, 2022 @ 6:39 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Itinutulak ni Government Corporate Counsel Rogelio Quevedo ang panukala na lilikha sa charter ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) upang linawin ang kanilang mga tungkulin.

“Mas magiging maliwanag yung relationship ng OGCC sa iba’t-ibang government corporations, although sa ngayon ‘yun na rin ‘yung nangyayari, pero ang gusto sana nitong bill na ito ay ilagay sa iisang charter,” ani Quevedo sa televised public briefing.

“Kasi lahat ng mga responsibilidad ng OGCC ay nakapaloob sa iba’t-ibang presidential decrees, iba’t-ibang executive orders. Ngayon, kung liliwanagin na sa isang batas sa tinatawag natin na OGCC charter, magkakaroon ng dagdag na mga abogado ang OGCC,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Quevedo na nais ng OGCC na ilagaya ang parehong bilang ng mga abogado at mga ranggo sa Office of the Solicitor General.

“Gusto lang po namin na maging kapantay ng OSG ang bilang ng aming mga abogado at maging ang mga ranggo ng aming mga abogado,” ayon kay Quevedo.

“Importanteng importante ito kasi yung government corporations ay umaabot ng mahigit na 1,000 korporasyon sa buong Pilipinas. Magmula sa Ilocos hanggang sa Sulu, may mga government corporations na nagbibigay serbisyo sa ating mga mamamayan,” dagdag niya.

Nitong Hulyo, bineto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukala na naglalayon na palakasin ang OGCC dahil para sa kanya, “many of its provisions overbearing, specifically the excessive grant of remuneration, incentives, benefits, allowances, and honoraria that violates the principles of equity and standardization.”

Target ng panukala na gawing kagaya ng counterparts sa Judiciary branch, Office of the Solicitor General, at sa Court of Appeals ang mga posisyon, sweldo, at benepisyo ng ahensya.

Sa kasalukuyan, dalawang panukala na itinutulak upang palakasin ang OGCC ang inihain sa Kamara subalit wala itong counterpart measure sa Senado. RNT/SA