Paglilibing kay Joma sa bansa, malaking insulto-IPs

Paglilibing kay Joma sa bansa, malaking insulto-IPs

December 24, 2022 @ 11:08 AM 1 month ago


BUTUAN CITY- MARIIN kinondena ng Indigenous People Mandatory Representative (IPMR) ang paglilibing sa mga labi ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria “Joma” Sison (IPs) sa lalawigan ng Surigao del Sur.

Ayon kay Datu Rico Maca, ng IPMR sa bayan ng San Miguel, isang “malaking insulto” sa mga biktima ng kalupitan ng New People’s Army (NPA) na ilibing sa bansa ang pinuno ng CPP na si Sison.

“Lubos akong hindi sumasang-ayon sa kanilang panukala na dalhin ang mga labi ni Sison sa bansa. Ito ay isang insulto sa mga pamilya ng mga biktima ng NPA executions at killings,” ani Maca.

ito’y matapos maglabas ng panukala si

Marco Valbuena, CPP public information officer na ang mga labi o abo ni Sison ay dapat ibalik sa bansa alinsunod sa kanyang kagustuhan bilang isang Pilipino.

Taon 1987, minabuti ni Sison na mamuhay sa bansang The Netherlands hanggang sa kanyang kamatayan noong Disyembre 16, 2022.

Giit pa ni Maca, bilang pinuno ng CPP-NPA, responsable si Sison sa mga miyembro ng IP na “walang awang pinatay ng mga rebeldeng NPA noong mga nakaraang taon.”

“Kami ay umiiyak at nagdarasal kung kailan tatapusin ni Sison at ng kanyang mga alipores, ang mga kilalang rebeldeng NPA, ang pagpatay sa mga IP. Sa bulubunduking bahagi ng Surigao del Sur, ang mga teroristang ito ay tumutugis sa amin na parang baboy-ramo,” dagdag pa ni Maca.

Hanggang ngayon, sinabi ni Maca na naghahanap pa rin ng hustisya sa pagkamatay ng mga miyembro ng pamilya ng 73-anyos na IP leader na si Datu Bernandino Montenegro Astudillo.

Si Astudillo, ang Manobo tribal chieftain ng Barangay Magroyong, bayan ng San Miguel, ay tinaga hanggang sa mamatay ng mga rebeldeng NPA noong Marso 2020.

“Masakit malaman na sa paglipas ng mga taon, si Sison ay naninirahan nang komportable sa The Netherlands habang ang kanyang mga armadong tagasunod ay kinakatay ang mga IP sa Surigao del Sur,” ani Maca.

Aniya, mas mabuti sana kung si Sison ay arestuhin at dinala nang buhay sa Pilipinas para harapin ang paglilitis sa korte.

“Siya at ang mga teroristang rebeldeng NPA ay naglunsad ng isang armadong pakikibaka na nagbiktima ng mga ordinaryong sibilyan, sumira sa mga komunidad, at humadlang sa mga hakbangin sa pagpapaunlad ng gobyerno at sektor ng negosyo.

Si Maca ay kabilang sa iilang pinuno ng IP sa Surigao del Sur na naging malakas kumontra sa panghihimasok ng mga rebeldeng NPA sa kanilang lupaing ninuno at pagpatay sa mga ka-tribu.

Ang isa pang IP advocate sa lalawigan, si Datu Hawudon Jomar Bucales, ang IPMR ng bayan ng Lianga, ay pinatay ng mga rebeldeng NPA noong Oktubre 2020./Mary Anne Sapico