Paglilinis ng puntod sa Manila North Cemetery, bawal na

Paglilinis ng puntod sa Manila North Cemetery, bawal na

October 26, 2022 @ 6:16 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Natapos na ang huling araw na ibinigay na deadline ng pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) upang makapaglinis sa mga puntod.

Dahil dito, mahigpit na ang ginagawang pagbabantay ng mga operatiba ng Manila Police District sa entrada ng naturang sementeryo dahil sa mga nais pa ring makapasok bitbit ang kanilang gamit sa panglinis at pintura.

Isa-isang ininspeksyon ang mga bumibisita kaya naman ang ilan na galing pa ng malalayong lugar ay dismayado dahil hindi sila umabot sa deadline na Oktubre 25 para malinis ang puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay.

Maari namang pumasok sa MNC ngunit para lamang sa mga dadalaw para magdasal at magtirik ng kandila ang papayagan.

Ang ilan naman ay nauunawaan ang nasabing patakaran kaya napilitan itong iwan na lamang ang kanilang mga dalang pintura sa entrada ng MNC at nagtirik na lamang ng kandila.

Bunsod nito, humingi ng pang-unawa sa publiko ang pamunuan na nais lamang umano nilang maging organisado ang paggunita ng Undas 2022 na inaasahang dadagsain ng mga tao mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.

“Hanggang October 25 lang po talaga maglinis, bukod do’n wala na po kaya po hinaharang namin sila sa gate,” ayon kay Elmer Quintos, officer-in-charge ng Manila North Cemetery Security.

Samantala, ang paglilibing ay pinapayagan pa hanggang Biyernes na lamang gayundin ang cremation at magbabalik ulit sa Nobyembre 3.

Isa sa panuntunan sa pagpasok sa sementeryo ang pagsusuot ng facemask at kailangang bakunado laban sa COVID-19. Jocelyn Tabangcura-Domenden