Paglilipat ng NBP sa Mindoro, Nueva Ecija, pinamamadali ni Tolentino

Paglilipat ng NBP sa Mindoro, Nueva Ecija, pinamamadali ni Tolentino

November 13, 2022 @ 11:56 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinamamadali ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang paglilipat ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City tungo sa Mindoro Occidental at Nueva Ecija upang mabuwag ang organisadong sindikato na kumikilos sa loob ng pambansang piitan.

Sa pahayag, sinabi ni Tolentino, chairman ng Senate committee on justice and human rights, kapag nailipat ang high-profile inmates na nasa maximum-security compound, maaaring mabuwag ang sindikato ng droga sa loob.

“Kung mas ilalayo sila, mainam din na sama-sama rin sila para wala silang contact—wala silang middle man na mauutusan para mag distribute at walang logistical connection,” aniya.

“(Kung sakaling malipat at ma-relocate) ang talagang mabuwag diyan eh yung kultura (ng sidikato) eh—yung kultura sa loob ng Bilibid na padri-padrino pa rin yung andoon),dagdag niya sa interview.

Inihayag ito ni Tolentino kasunod ng serye ng kontrobersiya na bumalot sa  Bureau of Corrections (BuCor),  partikular ang pagkakasangkot ng mataas na opisyal ng ahensiya at ibang lider ng gang sa loob sa pagpaslang kay veteran journalist Percival “Percy Lapid” Mabasa at pagpatay din sa sinasabing middlemen sa loob ng maximum-security compound.

Ilan sa napipisil na paglilipatan ng NBP ang 10-ektaryang lupain ng pamahalaan sa Sablayan, Mindoro Occidental at dating drug rehabilitation center sa Fort Magsaysay sa Palayan City, Nueva Ecija.

Sakaling matuloy ang paglilipat, ikukulong ang lahat ng preso mula sa maximum-security compound sa Mindoro habang sa Fort Magsaysay naman ang nakakulong sa minimum at medium-security compound.

Sinabi ni Tolentino na magpapatuloy ang operasyon ng sindikato sa loob ng NBP kung mananatili ang kulungan sa Metro Manila.

“Kapag andito ka po sa Metro Manila, andyan ka lang sa Muntinlupa eh… may koneksyon sila sa outside world. Kung ilalayo sila sa isang bulubunduking lugar na walang koneksyon, ay palagay ko eh baka matuto pa ng magaling na pamamaraan ng agrikultura iyang mga yan kaysa sa may koneksyon sila dito,” giit niya.

Samantala, inihayag naman ni Senador Sonny Angara sa interview ng DWIZ radio na mayroon pang pondong puwedeng pagkunan sa pagtatayo ng super max prison facility.

Aniya, maaaring isingit ang pondo sa panukalang  P5.268-trillion national budget dahil nasa period of amendments pa lamang ang deliberasyon ng Senado para sa second rading at isusunod ang third reading ksa magkakaroon ng bicameral conference committee hearing.

“There is still time for the presentation of program of works and how much these ‘’super max’’ facilities would cost,” aniya.  Ernie Reyes