Paglimita sa dami ng onion traders aprubado na ni PBBM – DTI chief

Paglimita sa dami ng onion traders aprubado na ni PBBM – DTI chief

February 7, 2023 @ 7:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilan sa mga inisyatibo na ipinanukala ni Trade Secretary Alfredo Pascual upang mas makontrol pa ang tumataas na presyo ng mga sibuyas sa bansa.

Ito ang ibinahagi ni Department of Trade and Industry Usec. Ruth Castelo nitong Lunes, Pebrero 6 kung kasabay ng pangako ng ahensya na makikipagtulungan sa Department of Agriculture upang resolbahin ang isyu ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Sa televised interview, sinabi ni Castelo na magbibigay ng opisyal na anunsyo ang Kagawaran para rito, ibinahagi na ni Castelo na isa sa inaprubahan ay ang paglimita sa dami ng mga traders na bahagi ng supply chain sa imported at locally produced onions.

“Syempre kailangan na talagang tumulong ang DTI as our contribution to food security. Agricultural products ito pero mayroon nang initiatives proposed ni Secretary Pascual, which the President naman approved,” pagbabahagi ni Castelo.

“Kaya lang hindi pa natin madetalye o madisclose except that ang pinakamalaking sabihin natin ngayon malilimit natin ang traders mababawasan ang supply chain sa gitna between the farmer and the trader.”

Ipinunto rin niya na habang dumarami ang mga traders na sangkot ay mas tumataas ang presyo ng sibuyas sa oras na makarating ito sa pamilihan.

Inihalimbawa niya na ang landing cost ng imported na sibuyas ay nasa P14 lamang ngunit ibinibenta ng P350 kada kilo sa ilang pamilihan sa NCR.

“We have data from the BOC (Bureau of Customs) na ang landed cost ng imported onion is only P14. So makikita natin ang pinakamababa nyan sa market is P180 in only one market in the National Capital Region. Pinakamataas pa rin as of today is P300, mayroon pang P350 but in Puregold… meron silang P179-P180 na local onions,” ani Castelo.

“So kita natin pababa na once na tuloy-tuloy na ang harvest ng local producers, maibaba na rin yan. Kailangan din natin mapababa ang presyo ng imported onions naman, kasi from the landed cost as our starting point, tinitignan natin kung paano natin mababawasan ang markup na nasa presyuhan nila,” dagdag pa ng opisyal. RNT/JGC