PAGLINGAP SA MGA BIKTIMA NI PAENG

PAGLINGAP SA MGA BIKTIMA NI PAENG

November 11, 2022 @ 11:38 AM 3 weeks ago


KABILANG sa mga dapat na pagtuunan ng pansin ang paghihirap ng milyones na mamamayan na biktima ng kalamidad na dala ni bagyong Paeng.

Nararapat lamang na gawin ito dahil kung hindi at mapabayaan ang mga biktima, malaki ang mawawala sa atin bilang bansa.

SILANG BIKTIMA

Narito ang ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

May namatay na 159, 147 na nasugatan at 30 missing o hindi pa natatagpuan.

Kumusta na kaya ang pamilya ng mga namatayan?

Ang mga nasugatan, kung naospital sila, kumusta rin kaya sila?

Paano ang mga missing na maaaring ‘di na matatagpuan?

Hindi lang kalungkutan, mga brad, ang usapin dito.

Para sa mga namatayan, lalo na kung mga inaasahan ng pamilya  ang nasawi, paano ang kanilang kabuhayan at kinabukasan, kasama na ang mga mag-aaral na posibleng mawalan ng sinasandalan?

Ang mga nasugatan at naospital, paano kaya nila napangingibabawan ang napakamamahal na gamot at singil ng mga doktor?

Papaano kung ang mga missing ang inaasahan ng mga pamilya o asawa o anak?

Ang totoo, hindi sapat para sa mga ito ang mga ipinamimigay nating supot-supot na ayuda na swerte na kung aabot sa loob ng isang linggo.

HIGIT NA MARAMING BIKTIMA

Ayon pa rin sa NDRRMC, umaabot na sa 5,299,716 indibiduwal o 1,315,083 pamilya mula sa 9,860 komunidad o barangay ang labis na napinsalaan.

Sa parte ng pamahalaan, may halaga nang P223,689,129.43 naipaabot ng pamahalaan para sa kanila.

Binubuo ang ayuda ng cash assistance at iba pa.

Kung iisipin, malaki-laki na rin ‘yan.

Subalit kung iisipin pa, umaabot na sa P9 bilyon ang halaga ng mga nasirang ari-arian ng pamahalaan at mga mamamayan.

Ang imprastrakturang nasira ay umabot na sa halagang P4.665 bilyon at binubuo ng imprastraktura ng 820 kalsada, tulay, flood control, pasilidad ng gobyerno at eskwelahan.

Kasama na rin dito ang nasirang 53,229 na bahay at 4,981 dito ang ganap na nawasak.

Sa agrikultura, halagang P4.367 bilyon ang nasira, kasama na ang P187.85 milyong binubuo ng mga alagang hayop gaya ng mga manok at baboy at pangisdaan.

May 121,287.655 ektarya ang nasiraan ng mga pananim at apektado rito ang 109,489 na magsasaka at mangingisda.

Paghihirap, pagkalugi ng matagal na panahon at iba pang krisis ang hinaharap ng lahat ng mga biktimang ito.

Paano ang mga kababayang ito?

SAMA-SAMANG PAGKILOS

Panay ang ikot ng lahat ng ahensya ng pamahalaan, mula barangay at iba pang local government units hanggang Kongreso at Palasyo para malaman ang kalagayan ng mga biktima ni Paeng at ang mga nasa itaas na katotohanan ang bumubulaga sa atin.

Kaya naman naririyan na ang mga deklarasyon ng state of calamity upang magamit ang mga calamity fund ng lahat ng sangay ng ahensya, pagkontrol sa presyo ng mga batayang bilihin at pagbuhos ng iba pang mga tulong sa mga biktima.

Sa bahagi nating karaniwang mga mamamayan, lalo na ang mga hindi gaanong napinsalaan at may kaluwagan sa buhay, kumusta naman kaya ang paglingap natin sa mga biktima na kung makabangon ay pagbangon din ng buong bayan?