Paglipat ng 375 pulis-Bohol sa Negros, tinutulan

Paglipat ng 375 pulis-Bohol sa Negros, tinutulan

March 10, 2023 @ 12:30 PM 3 weeks ago


MANDAUE CITY, Cebu- Tinutulan ng mga gobernador at mayor sa buong Central Visayas-Region 7 ang paglipat ng kanilang mga pulis sa Negros Oriental dahil sa naganap na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong sibilyan noong Marso 4.

Ito’y matapos magpalabas ng ‘replacement oder’ si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos para sa lahat ng mga pulis sa Bayawan City at sa nalalabing bahagi ng Negros Oriental.

Ayon kay Bohol Governor Erico Aris Aumentado, labis nilang ikinalungkot ang naturang kautusan sa planong paglilipat ng mahigit 300 nilang pulis sa Negros Oriental para palitan ang mga pulis doon na tinanggal.

Ibinahagi rin ni Aumentado ang saloobin ng mga alkalde ng Bohol ganun din ang lahat ng gobernador sa probinsya na ang kani-kanilang pwersa ng pulisya ay naapektuhan din ng planong paglipat at man lamang sila hindi kumonsulta sa usapin.

“Actually, we were surprised by this…In fact, kaming mga governors ng Region 7, hindi kami na-inform, hindi kami nabigyan ng formal invitation. The PD only informed us that their is already an allocation per province that will be given a reassignment sa Negros.” dagdag pa ni Aumantado.

“Kaya ngayon, kaming mga gobernador ng Region 7, nakaramdam kami ng hinanakit. Bakit hindi ipinaalam sa amin ng mga nakatataas sa PNP ang kanilang mga plano. Nakita namin ito sa aming bahagi, bakit namin sinasagot ang sitwasyon ng gulo sa Negros,” sentimyento pa ng mga opsiyal ng Bohol.

Anila, ipinaalam na lamang sa kanila (gobernador) ni Lt. Col. Norman Nuez ng Bohol Provincial Police Office (BPPO) na may kabuuang 375 pulis, na nakatalaga sa iba’t ibang istasyon ng pulisya sa kanilang lalawigan, ang nakatakdang ilipat sa Negros Oriental. Sila ay “papalitan” o papalitan ng mga pulis na nauna nang tinanggal sa kanilang mga puwesto sa Negros Oriental.

Sa ginanap na emergency meeting noong Miyerkules (Marso 8) sa session hall ng bagong gusali ng Kapitolyo sa Tagbilaran City, kasama si Nuez at ang mga alkalde mula sa nag-iisang lungsod ng lalawigan at 47 bayan, tinalakay ang nasabing usapin.

Dito, ipinahayag ng mga alkalde ang kanilang pagtutol sa planong “swapping” ng Philippine National Police (PNP) habang nangakong gagawa sila ng apela upang pigilan ang pagpapatupad nito.

Nagpahayag rin ang pamahalaang panlalawigan ng pangamba kung paano ito makakaapekto sa patuloy na pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang lokalidad, lalo na sa ‘KASIMBAYANAN’.

Bukod pa rito, mas kailangan nila ang puwersa sa ngayon ng pulisya dahil sa pinaigting nilang kampanya laban sa pagpasok ng African Swine Fever (ASF).

Sinabi naman ni Tubigon Mayor William Jao na mayroon lamang silang 30 pulis, na hindi man lang sapat para protektahan ang kanilang bayan, tulad na lamang ng pagbibigay ng seguridad sa Tubigon Port.

Umapela rin si Mayor Arturo Piollo ng bayan ng Lila sa mga alkalde, na dumalo sa pulong para paninindigan ang pagtutol sa plano ng PNP.

Aniya, ang hakbang ay lalo na makakaapekto sa inisyatiba ng lokal na pulisya sa paglaban sa iligal na droga.

“Kung wala silang tiwala at kumpiyansa sa mga pulis ng Negros, higit pa sa atin, wala tayong tiwala doon sa mga pulis na itinalaga sa ating probinsya tulad ng pagpapalit. Sa halip na magpalit, dapat nilang isaalang-alang ang pagpapadala ng ilang pulis sa Bohol sa Negros Oriental para sa “augmentation.” Hinaing pa ni Aumentado.

“Ang ating insurhensiya at iba pang bagay na kailangan abangan dahil na-pull out na ang ating SAO commando sa Candijay. May skeletal force din ang AFP. Kung mag-pull out tayo ng mga pulis, ito ay magpapalala sa kaluwagan ng seguridad sa lalawigan ng Bohol.” dagdag pa ng gobernador.

Sa pag-uusap naman nina Gobernador Aumentado at Police Brigadier General Jerry Bearis, director ng Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7), siniguro ni Bearis na ipinarating niya ang kanilang mga hinaing kay PNP Chief Rodolfo Azurin sa lalong madaling panahon. Mary Anne Sapico