Paglipat ni Dok Castro sa Agusan Jail, atas ng korte – PNP

Paglipat ni Dok Castro sa Agusan Jail, atas ng korte – PNP

February 23, 2022 @ 8:37 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Sa Agusan del Sur Provincial Jail muna ikukulong si Dr. Natividad Castro na sinasabing myembro ng komunistang grupo hinihintay ang pagresolba ng kanyang mga kaso ng kidnapping at serious illegal detention.

Sinabi ni Police Regional Office 13 public information office chief Police Major Dorothy Tumulak na base ito sa commitment order na inilabas ng Bayugan City Regional Trial Court Branch 7 noong Lunes, base sa mensahe sa GMA.

“Commitment order to provincial jail, Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur na inisyu noong February 21, 2022 ng RTC Branch 7, Bayugan, Agusan del Sur,” aniya pa.

Matatandaang Biyernes nang arestuhin si Castro ng Philippine National Police at Armed Forces intelligence operatives sa Barangay San Perfecto, San Juan City.

Batay ito sa warrant of arrest na inisyu noong Enero 30, 2020 ni acting Presiding Judge Fernando Fudalan ng Bayugan RTC Branch 7.

Agad naman siyang dinala sa Bayugan at dinala sa himpilan ng pulisya ng lungsod.

Sinabi ng pulisya na si Castro ay isang ranking member ng Communist Party of the Philippines, ngunit sinabi ng Commission on Human Rights na siya ay na-red-tag para sa kanyang trabaho.

Ipinagtanggol naman ng Malacañang noong Martes ang pag-aresto kay Castro, at sinabing hindi ito kaso ng red-tagging at sinusunod ang mga tamang pamamaraan. RNT