Paglipat sa parak sa PDEG sa kabila ng drug link allegation tatalupan ng PNP

Paglipat sa parak sa PDEG sa kabila ng drug link allegation tatalupan ng PNP

January 18, 2023 @ 9:05 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Bubusisiin ng Philippine National Police (PNP) ang kamakailang paglilipat ng isang staff sergeant sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa kabila ng impormasyon tungkol sa umano’y pagkakasangkot nito sa iligal na droga.

Sa isang ambush interview, tinanong si PNP PIO chief Police Colonel Red Maranan kung may impormasyon ang PNP tungkol sa pagkakasangkot umano ni Staff Sergeant Ed Dyson Banaag sa iligal na droga bago siya arestuhin sa isang buy-bust operation sa Maynila.

“Oo naman. Dahil ang pagsasagawa naman ng isang buy-bust operation ay isang very, very meticulous at time-consuming operation. Hindi naman ura-urada ‘yan, ano? So ‘yan ay dine-develop,” ani Maranan.

Si Banaag ay naaresto sa isang buy bust operation sa Maynila. Nagtangka pa umano itong tumakas nang makatunog na pulis ang katransaksyon pero sumemplang ang sinasakyan kaya nasakote rin.

Tinanong naman kung bakit inilipat kamakailan si Banaag sa PDEG sa kabila ng pagkakaroon ng impormasyon ng organisasyon, sinabi ni Maranan na ito ang magiging paksa ng kanilang patuloy na imbestigasyon.

“Oo, tama ka. At ‘yan ang magiging subject ng ating patuloy na imbestigasyon.”

Ayon kay Maranan, nakatalaga si Banaag sa PDEG noong Enero 4, kahit na hindi siya nag-ulat doon hanggang sa siya ay naaresto.

Aniya, nakalabas-masok si Banaag sa PDEG.

“Base sa aming initial na pag-iimbestiga, siya ay dating na-assign na rin sa PDEG. Pabalik-balik siyang naa-assign doon. Natatanggal, nababalik, at nitong January 4 siya ibabalik,” ani Maranan.

Sisiyasatin din nila kung may kaugnayan sa pagitan ni Banaag at dating Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr., na dating kinilala bilang pinakamahusay na pulis sa PDEG bago siya arestuhin na nagbunga ng halos isang toneladang hinihinalang shabu.

“Ayan ang ating titignan. Kung may connection yang dalawa ‘yan,” he said.

Samantala, sa Laging Handa briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang pag-aresto ay bahagi ng internal cleansing efforts ng PNP. RNT