Paglobo ng PH debt dinipensahan ng DBM

Paglobo ng PH debt dinipensahan ng DBM

June 2, 2022 @ 1:28 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Todo-depensa ang Department of Budget and Management (DBM) sa naging paglobo ng utang ng Pilipinas bago pa bumaba sa puwesto ang administrasyong Duterte.

Sa Laging Handa public briefing, tinuran ni DBM Acting Secretary Tina Rose Canda na walang dapat na ikatakot sa pag- utang lalo na’t mayroon namang dahilan.

Hindi naman aniya lingid sa kaalaman ng lahat na nang tumama ang COVID-19 sa bansa higit dalawang taon na ang nakakaraan ay walang isolation facilities habang nagkaroon ng kakulangan sa hospital beds.

Hindi naman aniya maaaring isakripisyo ang buhay nang dahil lang sa ayaw mangutang ng bansa.

Sinabi pa ni Canda na ginamit naman ng gobyerno ang perang hiniram para sa COVID response sa pagbibigay din ng ayuda pati na sa mga OFW na pati ang hotel quarantine ay tinustusan din ng gobyerno habang nagbigay din ng financial assistance sa iba pang sektor ang pamahalaan gaya ng mga nasa MSMEs at ang mga pinakamahihirap nating kababayan.

Kaya dapat lamang aniyang tandaan na ang mga ginamit na gastusin sa mga ito ay wala sa taunang budget at kailangang kunin sa pangungutang na kaya namang bayaran sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga negosyo at ilan pang mga opsiyon gaya ng pagtataas ng buwis na una ng naimungkahi. Kris Jose