Paglobo sa kaso ng COVID, asahan

Paglobo sa kaso ng COVID, asahan

November 2, 2022 @ 1:30 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Bagama’t bumababa ang arawang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga nakalipas na araw, nagbabala pa rin si Dr. Tony Leachon, dating public health adviser ng pamahalaan na posibleng mabago ito hanggang sa pagsisimula ng Disyembre.

Ito ay dahil sa bagong kautusan sa pagsusuot ng face mask, dagsa ng mga tao sa Undas at ang siksikan na mga evacuation centers dulot ng Severe Tropical Storm Paeng.

Maliban dito, posible rin ayon kay Leachon na “underreported” ang mga kaso ng COVID-19 dahil ang rapid antigen test results ay hindi kasama sa opisyal na bilang.

Nananatili rin na mataas ang positivity rate sa 10% bagama’t bumababa ito sa nakalipas na mga linggo batay sa datos ng DOH.

Ang benchmark naman ng World Health Organization na ang hawaan sa virus ay kontrolado na ay dapat mas mababa sa 5%.

Dahil dito ay posible umanong umakyat ng nasa 5,000 hanggang 10,000 ang bagong kaso ng COVID-19 pagpasok ng Disyembre dahil sa mga nabanggit na dahilan.

Kasama pa dito ang pagsisimula ng in-person classes, pagbaba ng immunity at low booster rate, kasama pa ang mga bagong COVID-19 variants na XBC at XBB.

Kung pababayaan din ang public health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, physical distancing at paghuhugas ng kamay ay posibleng nasa 18,000 ang daily cases ng COVID pagsapit ng Nobyembre 15.

“I enjoin the public to wear face masks despite loosening up of restrictions and to boost up. The pandemic is not yet over,” ani Leachon. RNT/JGC