Pagluluwag sa border, mapanganib pa rin sa COVID – Herbosa

Pagluluwag sa border, mapanganib pa rin sa COVID – Herbosa

September 25, 2022 @ 10:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naniniwala ang isang infectious disease expert na lubhang mapanganib pa rin sa bansa ang pagluluwag sa border restrictions at pagpasok ng mga dayuhang byahero.

Ani University of the Philippines – Philippine General Hospital chair Dr. Ted Herbosa, posible itong magdala ng COVID-19 variants.

“Risk ‘yan, ‘pag nagluwag tayo ng border restrictions. Papasok ang iba pang mga variants na binabantayan natin at kung ‘di ka na-infect ng variant na ‘yun. May chance na ma-infect ka talaga, pero kung ikaw ay vaccinated, sigurado tayong ikaw ay magkakaroon ng very mild symptoms,” ani Herbosa kasabay ng televised public briefing.

Dahil dito, bumuo na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ng technical working group na tututok at mag-aaral sa implikasyon ng border restriction ng bansa sa usapin ng COVID-19.

Nagpaalala naman si Herbosa sa mga paparating na mga byahero mula ibang bansa na panatilihin pa ring magsuot ng face masks.

“Kahit magluwag tayo uli ng borders at doon tayo nagsusuot ng mask doon sa mga enclosed spaces, hindi naman siguro magkakaroon ng case outbreak dito sa Pilipinas,” aniya. RNT/JGC