Paglutas sa krisis sa edukasyon, tututukan ni Gatchalian sa 19th Congress

Paglutas sa krisis sa edukasyon, tututukan ni Gatchalian sa 19th Congress

July 24, 2022 @ 11:45 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nangako si Senador Win Gatchalian na kanyang tutukan ang paglutas sa lumalalang krisis sa edukasyon bilang priority measures sa pagbubukas ng unang regular sesyon ng 19th Congress sa Lunes, Hulyo 25.

Mananatili si  Gatchalian bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. Naghain siya ng isang resolusyon upang repasuhin ng Senado ang pagpapatupad sa Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law (Republic Act No. 10533).

Binigyang diin ni Gatchalian na batay sa resulta ng mga international large-scale assessments, hirap ang mga mag-aaral ng bansa pagdating sa mga basic competencies. Nahuhuli rin sila kung ihahambing sa mga mag-aaral sa ibang bansa.

Bago tumama ang pandemya, tinataya ng World Bank na ang learning poverty sa bansa ay umabot na sa mahigit siyamnapung (90.5) porsyento. Ang learning poverty ay ang porsyento ng mga batang sampung (10) taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kwento.

Nangunguna sa listahan ng priority bills ni Gatchalian ang panukalang Teacher Salary Increase Act. Sa ilalim ng panukala, ang Salary Grade ng mga Teachers I, II, at III ay gagawin nang Salary Grades 13, 14, at 15—mas mataas ng dalawang Salary Grade sa kanilang kasalukuyang Salary Grades.

Muli ring naghain si Gatchalian ng mga panukalang batas mula sa 18th Congress. Kabilang dito ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act at ang 21st Century School Boards Act.

Layon ng panukalang ARAL Program Act ang pagkakaroon ng isang learning recovery program sa buong bansa upang tugunan ang pinsalang dulot ng kawalan ng face-to-face classes. Tututukan ng panukalang batas ang tinatawag na “most essential learning competencies” sa Language, Mathematics, at Science. Layon naman ng 21st Century School Boards Act na paigtingin ang pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid at pag-aangat sa kalidad ng edukasyon.

Kabilang din sa mga inihain ni Gatchalian para sa darating na Kongreso ang Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) Act, ang Digital Transformation in Basic Education Act, Senior High School Reserve Officers Training Corps (ROTC) Act, at ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.

“Sa ating mga panukalang batas, tutukan natin ang pagtugon sa krisis sa edukasyon at ang pagbangon ng sektor mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Titiyakin nating makakatanggap ang kabataang Pilipino ng dekalidad na edukasyon, lalo na’t ito ang isa sa mga pundasyon ng maunlad na bansa,” ani Gatchalian.  Ernie Reyes