PAGMAMAHAL SA KAPWA LABAN SA LUPIT NI PAENG

PAGMAMAHAL SA KAPWA LABAN SA LUPIT NI PAENG

November 3, 2022 @ 1:28 AM 1 month ago


KAHIT naglaro lang ang bagyong Paeng sa signal number 4 dahil mahigit sa 120 bawat kilometro ang  lakas ng hangin nito, anak ng tokwa, nagdulot ito ng grabeng pinsala sa halos lahat ng bahagi ng mahal kong Pinas.

Pumasok ito sa Mindanao saka lumapit sa Samar at tuwirang pumasok sa Kabikulan saka dumaan sa Metro Manila at Central Luzon at dumaan sa Pangasinan-La Union sa paglabas nito sa Philippine area of responsibility.

Bukod sa malakas na hangin nito, nagbuhos din ng katakot-takot na mula sa Mindanao at winisikan din nito maging ang hilagang Luzon, kasama na ang Cagayan Valley.

Gaya ng alam na natin, naunang nagpaulan sa Pilipinas ang mga sunod-sunod na bagyo kaya naman halos hindi na makaagapay ang lupa sa paglamon o pagsipsip sa tubig-ulan.

Nang dumating si Paeng na may dala-dalang malalakas na ulan, wala nang nangyari kundi dumaloy ang mga tubig-baha sa mga kanal, sapa, ilog at iba pang daanan ng tubig at sumunod na rito ang mga katakot-takot ding baha.

Pinarupok din ng walang puknat na mga pag-ulan at bagyo ang mga matataas na lugar gaya ng mga kabundukan at kaya nagkaroon ng mga landslide.

121 PATAY AT IBA PA

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, may 121 nang namatay at mahigit sa 100 ang nasugatan.

May 3.18 million o 927,822 pamilya ang napinsalaan o naapektuhan, 9,190 ang nasirang bahay sa 15 na rehiyon, P3.42 billion ang nasirang imprastraktura gaya ng mga tulay, kalsada, eskwela at iba pa; P1.27B ang nasirang mga pananim; 297 bayan at lungsod ang nawalan ng kuryente; at maraming iba pang kapinsalaan.

STATE OF CALAMITY AT PAGTUTULUNGAN

Sa kanyang Proclamation No. 8, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of calamity para sa apat na rehiyon na kinabibilangan ng Calabarzon at Bicol sa Luzon, Western Visayas at  Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) sa Mindanao.

Maaari pa ring madagdagan ang mga lugar na mapasasailalim sa state of calamity lalo’t nagkakaroon pa ang pamahalaan ng pagtaya sa iba pang mga napinsalang lugar.

Nangangahulugan na agarang gamitin ng mga rehiyon, lalawigan, lungsod, bayan at barangay na nasasakupan ng mga rehiyong nabanggit ang kanilang mga Calamity Fund para gamiting pantulong sa mga nasalanta.

Pangunahing konsiderasyon dito ang pamimigay ng mga tulong na pagkain, inumin, gamot hindi lang sa mga evacuation center kundi sa mga nakisilong sa kanilang mga kamag-anak na walang mauuwian.

Ikalawa ang pagbabawal ng pagtataas ng presyo ng mga batayang pangangailangan.

Siyempre pa, magbubuhos din mismo ang pambansang pamahalaan ng pondong pangkalamidad nito upang maibsan ng mga biktima ang gutom, uhaw, sakit, kawalan ng masisilungan at iba pa.

At susunod na rito ang mga programa para makabangon ang mga biktima sa pagkakadapa sa kahirapan.

Para sa mga hindi nasalanta, gaya ng dati, inaasahang magpapakita ang lahat ng pagmamalasakit, pagmamahal at pagtulong sa kapwa.