PAGMAMALASAKIT  SA WALANG KATAPUSANG SUNOG

PAGMAMALASAKIT  SA WALANG KATAPUSANG SUNOG

February 22, 2023 @ 10:19 AM 1 month ago


ILANG tulog na lang, Marso na, ang nakalaang buwan para ilagay lagi sa ating isipan ang kahalagahan nang pag-iingat laban sa sunog, pagtutulungan sa oras ng sunog at pagmamalasakit sa mga nasunugan.

Napakahalaga ang pag-alaala sa buwan laban sa sunog lalo’t nito lang nakaraang mga araw, sunod-sunod o halos sabay-sabay ang mga naganap na sunog.

Pinakahuling malaking sunog ang naganap sa Barangay Tatalon sa Quezon City nitong nakaraang Sabado.

Nasa 310 pamilya na binubuo ng 1,323 ang nawalan ng tahanan sa sunog na nagtagal ng tatlong oras.

Dalawa ang nasugatan dito.

Nauna rito, may apat na sunog namang naganap sa loob ng isang araw sa Pasay, Muntinlupa at Manila kamakailan lang.

Isa sa Park Avenue, Pasay; isa sa Poblacion, Muntinlupa; at dalawa sa Maynila – sa Sampaloc at sa Baseco Compound.

Pero hindi lang naman sa Metro Manila nagaganap ang mga sunog kundi sa iba pang mga lugar.

At hindi lang mga residential area ang nasusunog kundi maging ang mga burol, bundok at palayan.

Tuyong-tuyo kasi ang mga burol, bundok at palayan at dahil sa init ng panahon, basta na lang nagkakaroon ng apoy sa mga tuyong dahon at natuyong damo at mabilis na kumalat ang apoy sa napakalawak na lugar.

Maya’t maya, gumagastos ang pamahalaan ng napakalalaking halaga ng tubig, pagkain, damit at iba bilang ayuda, bukod pa ang pag-asiste sa mga mamamayan na buuin muli ang kanilang mga tahanan.

Pero ang nawawalan talaga ay ang mga nasunugan at nakaiiyak isipin na ang mga pinagpapaguran at pinupundar nang mahabang panahon na pagpapawis, paghihirap at pagsasakripisyo ay maaabo lang sa isang iglap.

Sana, hindi tumigil ang lahat, gobyerno at mamamayan, sa pagpapakita ng pagmamalasakit at ayudahan sa kalamidad sa sunog at maging sa kung paano mapigilan ang pagkakaroon ng sunog na talaga namang perwisyo sa lahat.