Pagmimina sa Sibuyan pinatigil na ng DENR

Pagmimina sa Sibuyan pinatigil na ng DENR

February 8, 2023 @ 7:40 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniutos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Altai Mining Philippines Corp. (AMPC) na itigil ang mga aktibidad sa pagmimina tulad ng pagtatayo at pagpapatakbo ng isang daanan at transportasyon ng ore sa Sibuyan Island, ayon sa isang environmentalist.

“This is just one of the fruits of the barricade. We appreciate the action by the DENR but we will not leave the barricade until the Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) is revoked,” ani Rodney Galicha sa isang tweet.

Wala pa namang pahayag ang DENR para sa kumpirmasyon.

Ang MPSA ay ipinagkaloob sa AMPC noong Disyembre 2009 alinsunod sa Republic Act No. 7942 na kilala rin bilang Philippine Mining Act of 1995.

Noong Disyembre 2022, binigyan ng Mines and Geosciences Bureau MIMAROPA ang APMC ng permit na maghatid ng 50,000 metric tons ng ore para masuri sa ibang bansa.

Sa unang bahagi ng buwang ito, naglabas ng notice of violation ang Provincial Environment and Natural Resources officer-in-charge Arnoldo Blaza sa pagtatayo ng causeway ng APMC nang walang aprubadong lease agreement o provisional permit.

Sinabi ng DENR na ang cease-and-desist order ay isang precautionary measure para sa “potential irreparable damage to the environment.”

Samantala, sa parehong araw, naglabas ng pahayag ang APMC na nagsasabing “kusang-loob” nilang isuspinde ang kanilang operasyon sa pagmimina upang mapanatili ang “responsibilidad sa kapaligiran at pakikipag-ugnayan sa komunidad.”

Una rito, itinanggi rin ng mining company ang lahat ng alegasyon na ilegal ang kanilang aktibidad sa Sibuyan Island. RNT