Pagnipis ng suplay ng kuryente, matinding banta sa halalan – Hontiveros

Pagnipis ng suplay ng kuryente, matinding banta sa halalan – Hontiveros

February 16, 2022 @ 2:45 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules na ang pagnipis ng suplay ng kuryente sa bansa ay hindi lamang naglalagay ng panganib sa aktwal na ng halalan sa Mayo 2022 ngunit isa ring seryosong isyu na dapat harapin ng mga gumagawa ng patakaran bago at pagkatapos ng halalan.

Nagbitaw ng komento si Hontiveros matapos magbabala ng Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC), isang climate and energy policy group, sa napipintong blackout sa araw mismo ng eleksyon sa Mayo 2022 kasama na ang mga araw ng pagbibilang ng boto.

“Malaking banta sa integridad ng halalan ang posibleng pagnipis ng suplay ng kuryente sa araw mismo ng botohan at sa bilangan. Pwedeng magkadayaan, magkasalisihan. The integrity of the elections depends significantly on stable and sufficient power supply,” ayon kay Hontiveros.

Muli namang nanawagan ang Senador sa Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DoE) na tiyaking hindi na hahantong ang power players sa derating at hindi planadong blackouts sa araw ng halalan.

“Dapat ngayon pa lang ay nakalatag na ang sapat na reserba lagpas sa 1,200MW na inaasahang margin sa pamamagitan ng dagdag na kontrata sa ancillary service at pagsisigurong walang players na paglalaruan ang merkado para makasingil ng dagdag sa presyo ng kuryente,” ani Hontiveros.

Pinaalalahanan din ni Hontiveros ang DOE na nangako ito na magkakaroon ng sapat at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa election season. Aniya, sa mga nakaraang pagdinig sa Senado ay dapat nakapaghanda na ng solusyon ang mga industry player at ang DOE sa rotational blackouts tulad ng mga firm ancillary services contracts sa bahagi ng National Grid Corporation of the Philippines at ang pag-iwas sa hindi planadong maintenance shutdown sa bahagi ng mga generation company.

“By this time, the energy players should have already identified and installed safety measures so that the red alert status last May and June 2021 that caused major blackouts will not be reached again,” sabi ni Hontiveros.

“Dapat magkaroon ng ngipin ang ERC para panagutin ang mga power players na taon-taon na lang ay nakakalusot sa paulit-ulit na kapabayaan sa rotational brownout. Hindi natin dapat palagpasin lalo na ngayong kinabukasan ng bansa ang pwedeng madiskaril sakaling pumalya na naman ang mga ito,” dagdag pa niya.

Ngunit maliban sa banta ng blackout sa araw ng halalan, sinabi ng Senador na ang paulit-ulit na problema sa pagnipis ng suplay ng kuryente ay paulit-ulit na bumabagabag sa bansa dahil sa pagkukulang pagdating sa regulasyon at pang-aabuso sa merkado, kung saan kakaunti ang players sa generation, transmission, distribution, at maging ang supply sector ng industriya ng kuryente.

Iginiit din niya na panahon na upang kilatising mabuti ang pagpapatupad sa EPIRA upang malaman kung bakit hindi pa rin nasosolusyunan ang numinipis na suplay ng kuryente at mataas pa ring singil dito na hindi pa rin nareresolba 20 taon matapos itong maisabatas noong 2001.

“Kung hindi ito nalulutas sa paraan ng EPIRA, kailangan na nating maghanap ng panibagong paraan katulad ng higit na pagsandig sa renewable energy na mayaman tayo, at mga sistemang mas decentralized, inaari at pinangangasiwaan mismo ng ating mga komunidad,” sabi ni Hontiveros.

Ang agenda na ito, aniya, ay dapat ding isama sa mga susunod na debate ng mga kumakandidatong Pangulo at Senador. Ernie Reyes