Pagpapabakuna sa mga aso vs rabies hirit ng DOH sa publiko

Pagpapabakuna sa mga aso vs rabies hirit ng DOH sa publiko

March 31, 2022 @ 11:24 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Nakapagtala ng 92,631 animal bites noong 2021 ang Department of Health Center for Health Development Ilocos Region (DOH-CHD-1).

Bunsod nito, pinaalalahanan ng DOH-CHD1 ang mga pet owner sa rehiyon na tratuhin nang may magiliw na pangangalaga ang kanilang alagang hayop sa pamamagitan ng pagpapabakuna sa kanila laban sa rabies.

Sa virtual presser na pinangunahan ng Philippine Information Agency Ilocos Region noong Miyerkules, sinabi ni DOH-CHD-1 medical officer na si Dr. Rheuel Bobis na ang pagbabakuna laban sa rabies disease para sa mga alagang aso at pusa ay dapat gawin taon-taon.

Karamihan aniya sa naitalang animal bites sa buong rehiyon ng Ilocos noong 2021 ay ginawa sa mga alagang aso.

Sinabi ni Bobis na siyam na kaso ng rabies ang naitala noong 2021,na may 5 sa Pangasinan, 3 sa Ilocos Sur, at isa sa La Union habang nakapagtala ng zero case sa Ilocos Norte.

Iniugnay niya ang zero rabies case ng rehiyon sa mahigpit na pagpapatupad ng local government unit ng mga resolusyon at responsableng pag-aalaga ng hayop ng mga pet owners.

Samantala, sinabi ni Bobis na itinataguyod ng DOH-CHD-1 ang post-exposure prophylaxis injection para sa mga nakagat ng mga hayop upang maiwasan ang transmission ng rabies.

Payo ni Bobis sa mga nakagat ng hayop na hugasang mabuti ang sugat gamit ang sabon at tubig na umaagos, takpan ito, at agad na tumuloy sa animal bite treatment center sa kanilang lokalidad.

Binalaan din ni Bobis ang publiko sa iba pang paraan ng diumano’y paggamot sa bahaging nakagat, tulad ng pagtatandok (pagsipsip ng lason sa sugat) at paglalagay ng bawang dahil hindi ito ligtas sa impeksyon at maaaring magkalat pa ng rabies.

Aniya, ang incubation period ng rabies ay nasa loob ng tatlo hanggang apat na taon na walang sintomas.

Gayunpaman, kapag lumitaw ang mga medikal na sintomas, huli na ang lahat para sa biktima.

“Rabies is deadly but it is preventable,” dagdag niya.

Ang buwan ng Marso ay rabies awareness month. Jocelyn Tabangcura-Domenden