Pagpapabitiw ni Abalos sa mga pulis na sangkot sa iligal na droga, sinita ni Pimentel

Pagpapabitiw ni Abalos sa mga pulis na sangkot sa iligal na droga, sinita ni Pimentel

January 5, 2023 @ 3:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- May karapatan ang mga opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP) na malaman ang mga akusasyon na nag-uugnay sa kanila sa illicit drug trade, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Huwebes.

Ito ang inihayag ng mambabatas nang batikusin ang panawagan ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. sa high-ranking PNP officials na magsumite ng kanilang courtesy resignation upang linisin ang kapulisan sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade.

Binigyang-diin ni Pimentel na ang panawagan ay “too general and too broad” at maaaring makaapekto sa morale ng kapulisan dahil saklaw umano ng apela ang kahit ang mga mayroong outstanding performance.

“Ang sinabi kasi drugs e, may mga involved sa drugs. Therefore, [there is a] right to be informed—kakasuhan ka, ito ‘yung mga ebidensyang hawak namin laban sa inyo, e di alam mo,” giit niya.

“Hindi ‘yung may secret committee of five na mag-eevaluate ng hawak namin. Malabo po ‘yung ganon. Masyadong broad, apektado lahat pati ‘yung malinis at magagaling at ‘yung final process may pagka-secret e, hindi maganda unlike ‘yung kakasuhan ka may administrative case ka man or criminal case, you have the right to be informed of the accusation against you,” dagdag ng senador.

Sinabi ni Pimentel na dapat isulong ni Abalos ang case-to-case approach sa pagtugon sa problema, at naniniwala umano na mayroon nang inisyal na impormasyon ukol sa mga pulis nang magsagawa ng press conference nitong Miyerkules.

“In the first place, kung sundan mo ‘yung ganong statement, ibig sabihin n’on dapat at that point nung presscon na ‘yon may hawak na dapat ang secretary non e, may hawak ka na,” aniya.

“Pa’no mo nasabi na marami sa kapulisan sa matataas na ranggo involved sa drugs? You must have something. Therefore follow what you have and file it on a case to case basis, individual to individual basis,” dagdag niya.

Gayundin, inihayag ni Pimentel na may karapatan ang mga pulis na hindi magsumite ng kanilang resignation letters dahil hindi umano ito labag sa anumang PNP regulations.

“Ang hindi pagsa-submit ng courtesy resignation ay karapatan ng pulis officer. Wala siyang bina-violate na even regulasyon ng pulis. Wala, kasi panawagan lang,” sabi niya.

Subalit, sinabi ni Pimentel na ibang isyu na kung pipilitin ang mga pulis na magsumite ng resignation nang walang malinaw na direktiba mula sa liderato.

“‘Yung sinasabi mo nga na meron palang pressure o pag-iinitan ka, ibang usapan na ‘yon kasi ibig sabihin non e ginagawa ng kaliwang kamay ‘yung hindi pwedeng gawin ng kanang kamay. Hindi mo nga pwedeng isulat sa papel at pwersahin pero mananawagan ka na ‘courtesy resignation lang ha’ pero sa reyalidad ng buhay may mga pressure, pressure ka na ilalagay,” paglalahad niya.

Tinawag ni Pimentel nitong Miyerkules na “unfair and illogical” ang panawagan ni Abalos sa  high-ranking officials sa PNP na magbitiw sa pwesto.

Sa press conference nitong Miyerkules ng umaga, sinita ni Abalos ang lahat ng full colonels at generals, kabilang si PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na magsumite ng kanilang courtesy resignation at inihayag ang pagkabahala ukol sa as pagkakasangkot ng high-ranking police officers sa illicit drug trade.

Bubusisiin naman ng five-member committee ang resignations ng police officers, base kay Abalos.

Tumanggi ang DILG chief na tukuyin ang mga mkiyembro ng komite, subalit sinabing hindi siya kabilang dito.

Samantala, sa pinakabagong ulat, naghain na si PNP chief Azurin ng “courtesy resignation” kasunod ng panawagang self-cleansing sa kanilang hanay kontra iligal na droga.

“Actually lahat kami rito, ‘yung command group ko, they have already submitted… On the record, nauna pa ‘yung command group ko na mag-submit sa akin,” paglalahad ni Azurin sa isang briefing nitong Huwebes.

“Ibig sabihin, doon mo mararamdaman na ‘yung mga senior officers, ‘yung mga general, they are willing to be subjected to an assessment kasi ano ‘yan eh. Paulit-ulit na lang na akusasyon sa hanay namin. This must stop once and for all.” RNT/SA